PONDO NG OWWA, NAUUBOS NA NGA BA?

0

MATAPOS na lumabas sa balita ang panawagan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III para sa karagdagang pondo ng Overseas ­Workers Welfare Adminsitration (OWWA) upang matustusan ang gastusin ng mga OFW na nasa quarantine area, maraming mga OFW ang nangangamba na sila na ang babalikat sa pagbabayad sa hotel, transportasyon at pagkain sa panahon ng kanilang quarantine sakaling umuwi sa Pilipinas.

Nitong Abril 29, 2021 ay isinagawa ang regular OWWA Board of Trustees meeting na pinamumunuan ni Sec Bello at doon ay aming napag-usapan ang tunay na kalagayan ng pondo ng OWWA. Ang katotohanan ay ang pondo ng OWWA ay hindi naman totoong nauubos na katulad ng hinala ng mga OFW. Ang halagang 18.3 bilyong piso ay iniingatan ng OWWA na naka invest o ­deposito sa Landbank at Development Bank of the Philippines. Sa madaling salita ang sariling pondo o trust fund ng OWWA na nagmula sa mga OFW ay “intact” at hindi totoong nauubos.

Ang pondo sa mga programa na katulad ng scholarship, livelihood at social services ay hindi kailanman naapektuhan.

Ang katotohanan ay ang tinutukoy na nauubos ay ang pondong inilaan ng National Government na 6.1B mula sa Bayanihan Act 2 para gamitin sa pambayad sa hotel, pagkain at transportasyon sa mga OFW na uuwi ng Pilipinas.

Sa kasalukuyan ay umabot na lamang sa halagang 890 ­milyon ang natitira mula sa 6.1B sa nasabing pondo ng Bayanihan Act Fund na maaaring umabot na lamang ngayong buwan ng Mayo. Kung kaya si Sec.Bello ay nakikiusap sa Malakanyang upang ayudahan ang OWWA para maipagpatuloy ang programang pagtulong sa mga umuuwing OFW.

Inaasahan na marami pa ring mga OFW ang uuwi ng PIlipinas dahil naapektuhan ng pagkawala ng hanapbuhay o trabaho sa ibang bansa. Kung kaya hindi nagpapatumpik-tumpik ang pamunuan ng OWWA na masiguro na hindi matitigil ang pagbibigay nito ng tulong para sa mga OFW.

Sa nakaraang pagpupulong ng OWWA Board of Trustees ay siniguro ni Administrator Hans Cacdac na patuloy ang kanilang pakikipagugnayan ni Sec. Bello sa palasyo ng Malacañang at Department of Budget Management upang masiguro na hindi mahihinto ang operation ng OWWA para sa mga umuuwing OFW. Kung sakali man na maantala ang pagbibigay ng pondo ng national ­government ay kanilang pakikiusapan ang mga creditors na katulad ng mga hotel owners at bus operators na mabigyan ng palugit ang pagbabayad sa mga quarantine facilities.

Kasabay nito, ay inirerekomenda ni Sec. Bello sa IATF na muling ikonsidera ang pagpapaikli ng araw na kinakailangan na ­quarantine na imbes na 6 na araw na bago ang pag-swab test ay muling ibalik ang pag-swab test sa pagdating pa lamang sa Airport ng mga returning Filipinos. Gayundin, hinihikayat ni Sec Bello na imbes na 6-14 days na quarantine ay gawin na lamang na 3 days ang quarantine.

Ang panawagan na ito ni Sec. Bello ay aking sinusuportahan hindi lamang para makatipid ang OWWA sa gastusin sa ­pagbabayad sa mga hotel kundi upang mabigyan din ng pagkakataon ang mga umuuwing OFW na agad nilang makapiling ang kanilang pamilya.

Hindi na mabibilang sa daliri ang mga pamilya ng OFW na lumapit sa akin upang humingi ng tulong na mapakiusapan ang Bureau of Quarantine na makauwi agad ang kanilang kaanak mula sa quarantine para makadalo sa paglilibing ng kanilang mahal sa buhay. Ngunit dahil sa mahigpit na polisiya ukol sa 14 days quarantine ay maraming mga OFW ang hindi man lamang nagawang makipaglibing sa kanilang mahal sa buhay na tanging dahilan ng kanilang biglaang pag-uwi sa Pilipinas.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment