PR GROUP NI BBM HINDI EPEKTIB?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

ANG Presidential Communication Group ang tumatayong public relation (PR) ng administrasyon na ang tungkulin ay ipagtanggol ang pangulo bukod sa pagpapakalat ng impormasyon kung ano ang mga ginagawa ng kanilang mga amo.

Bukod diyan, bawat ahensya ng gobyerno ay may PR group na binabadyetan taon-taon para pabanguhin ang kanilang tanggapan lalo na ang mga namumuno sa kanila partikular na ang kanilang secretary.

Pero pansin ko, mukhang hindi epektib ang communication group ng Palasyo at maging ang mga ahensya ng gobyerno dahil talong-talo sila kapag umatake na ang vloggers ng kanilang mga kritiko.

Walang sagot ang mga bata ni BBM sa Palasyo kapag tinitira na sila ng vloggers na nagtatanggol sa kanilang mga kalaban sa pulitika. Kahit salag, wala kang maririnig sa kanila. Gulping-gulpi na, tahimik pa sila.

Palagay ko naman malalaki ang sahod ng matataas na mga opisyales ng communication group ng Palasyo at meron din silang budget para sa kanilang operasyong araw-araw pero hindi nila kayang ipagtanggol ang Pangulo at administrasyon sa kabuuan.

Magtataka ka, bakit natatalo sila ng vloggers na siguro naman ay barya lang ang natatanggap nilang kompensasyon mula sa mga nag-utos sa kanila para siraan at tirahin sa social media ang gobyerno.

Talong-talo ang mga bata ni BBM sa propaganda na pwede namang nilang i-counter kung gusto nila pero ang tatahimik nila kaya mapapatanong ka talaga ng “Wala ba talaga silang silbi at hindi nila alam ang nangyayari sa labas dahil nasa airconditioned room sila?”.

Kung ang ikakatuwiran ng mga PR group ng Pangulo na ‘wag patulan ang vloggers na walang ginawa araw-araw kundi murahin, siraan ang administrasyon, dahil sayang lang ang panahon, mukhang maling estratehiya.

Baka hindi nila alam na sirang-sira na sila sa probinsya dahil ang unang pinaniniwalaan ng mga tao ay ‘yung mga una nilang nababasa at lalo silang naniniwala sa kanilang nababasa at napapanood sa social media kapag tameme ang Palasyo.

Hindi lang pag-atake ang ginagawa kasi ng vloggers na ang misyon ay siraan ang gobyerno, kundi sagutin ang mga isyung ibinabato sa kanilang principals o mga nagbabayad sa kanila, kundi may counter-attack pa sila at kapag sumagot sila ay mas malala pa sa pag-atake nila.

Noong panahon ni Harry Roque bilang tagapagsalita ni Digong, hindi makaporma sa kanya ang mga kritiko ng kanyang amo, pero ngayon wala kang nakikita sa mga spokesman o communication secretary ni BBM na nagsasalita at kung may magsalita man, hindi kumakalat sa social media.

Saka nasaan ‘yung vloggers ni BBM na walang ginawa kundi magpakalat ng fake news noong panahon ng kampanya? Sinipa na rin ba sila dahil nakaupo na si BBM at hindi na niya kailangan ang mga ito tulad ng ginawa nila sa mga taong tumulong sa kanya para manalong pangulo? Ingrato ba ang tawag diyan o Karma?

68

Related posts

Leave a Comment