PRESYO NG LANGIS TAAS-BABA

PUNA Ni JOEL AMONGO

TILA nagiging taas-baba na lamang ang nangyayari sa presyo ng mga produktong langis.

Noong Marso 28, 2023 ay nag-anunsyo ang mga kumpanya ng langis ng pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo, Diesel P1.30/L, Gasoline P0.85/L, at Kerosene P1.90/L.

Noong Abril 4, 2023 ay tumaas naman ang presyo nito, Diesel P0.50/L, Gasoline P1.40/L, at Kerosene P0.20/L.

Sumunod na pagtaas noong Abril 11, 2023, Gasoline P2.60/L, Diesel P1.70/L, at Kerosene P1.90/L.

Noong nakaraang Lunes, Abril 11 may magkakahiwalay na advisory ang Caltex, Cleanfuel, Jetti, Petro Gazz, Pilipinas Shell, at ang Seaoil ay nag-anunsyo ng pagbaba ng presyo ng kanilang mga produkto, Gasoline P1/L, Diesel P0.35/L, at Kerosene P3/L.

Sa pangyayaring ganito, mukhang wala nang pag-asang bumaba sa P40/L ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Sinasabi na ang mga dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ay ang giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia.

Ang pinakahuling isyu ay ang pagbabawas ng produksyon ng mga kumpanya ng langis na naging dahilan ng pagtataas ng presyo ng mga produkto ng petrolyo.

Kapuna-PUNA na madalas ay mas malaki ang itinataas kumpara sa pagbaba ng presyo ng mga produktong ito.

Kaya balewala ang pagbaba ng presyo kung mas malaki naman ang itataas. Kaya ayon, apektado ang presyo ng mga bilihin.

Kapag tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo ay parang tali na hinahatak pataas ang presyo ng mga bilihin.

Kawawang lahi ni Juan dela Cruz, tila habambuhay pasan-pasang parang krus ang mahal na presyo ng mga bilihin.

Ang tanong ngayon ng taumbayan, ano raw ba ang ginagawa ng gobyerno para maibsan ang epekto nito sa mga ordinaryong Pilipino?

Hindi pwedeng pabayaan na lamang ng pamahalaan ang taas-baba na presyo ng mga prokduktong petrolyo.

Kadalasang mas malaki ang itinataas na presyo kaysa ibinababa kaya naman tuloy-tuloy na tumataas halaga ng kada litro nito. Ay naku!

oOo

Para sa sumbong at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell#0977-751-1840.

715

Related posts

Leave a Comment