PROBLEMA ANG BAHA SA SUBIC BAY FREEPORT

TINGNAN NATIN

HALOS tiyak na naman ang magaganap na mga pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng Subic Bay Freeport itong pahahon ng tag-ulan at sa susunod pang mga taon.

Tingnan Natin: noong nakaraang taon, binaha ng “bigtime” ang Central Business District (CBD), ang Tipo Road, El Kabayo at iba pang bahagi ng Subic Freeport.

Marami ang napinsala, nasirang mga gamit, sasakyan at mga transaksyong hindi natuloy at marami pang ibang masamang epekto sa negosyo na maaaring daan-daang milyong piso, kung hindi bilyon, ang naglahong parang bula dahil sa mga pagbaha.

Tingnan Natin: sa nakalipas na isang taon, wala namang naipatupad na komprehensibong solusyon ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).

Ito’y dahil sa iba’t ibang dahilan. Isa, kailangan ng pera o pondo; pangalawa, kailangan ng plano; pa¬ngatlo, kailangan ng panahon para ipatupad kung ano man ang plano na mapopondohan.

Ayon kay SBMA Chairman & Administrator (ChAd) Wilma R. Eisma, malaking pera ang kailangan para masolusyunan ang mga pagbaha sa Subic Bay Freeport.

Kumikilos, aniya, siya upang makakalap ng pondo para sa “flood control”, dahil ang pondo ng SBMA, bagama’t kumikita ito, ay pangunahing nailalagay sa ibang bagay na mahalaga rin naman, kasama na ang bahagi ng mga lokal na pamahalaan sa paligid ng Freeport, intrega sa pamahalaang nasyunal, maintenance ng Freeport at pa-suweldo sa mga empleyado.

Tingnan Natin: may isasagawang pag-aaral at pagpaplano ang SBMA, pero ang pagpili sa magi¬ging “consultant” ay sa susunod na buwan ng Hulyo pa gagawin.

Kapag nakapili ng “consultant,” saka lamang masisimulan ang malalimang pag-aaral at plano.

Matapos ito, kung may pera o pondo, saka magkakaroon ng pagpili naman sa mga kontratistang magtatayo o magpapatupad ng plano, na kakain din ng panahon bago matapos.

Tingnan Natin: masu¬werte na matapos ang buong proseso sa loob ng tatlong taon. Ibig sabihin, kapag may naganap na matinding pag-ulan sa area ng Subic Bay Freeport sa susunod na tatlong taon, siguradong babaha na naman.

Ibig sabihin, mapipinsala na naman ang daloy ng negosyo at kalakalan, mga kagamitan at baka may mabuwis pang buhay.

Hihintayin pa ba ang tatlong taon at magdurusa muna ang mga residente at negosyo sa Subic Freeport?

Hindi na dapat pinatatagal ang pagdurusa. May solusyon sa pangangailangan ng pondo, plano at panahon. Kailangan lang sa pamunuan ng SBMA na maging malikhain. Kaya naman, ‘di po ba? Tingnan Natin!

160

Related posts

Leave a Comment