PROPETA O MAPANLINLANG?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

SI Apollo Quiboloy na tinatawag ang sarili bilang “Hinirang na Anak ng Diyos,” ay namuhay na parang hari.

Ang presyo ng mga relos n’yang mamahalin, tulad ng kanyang mga pribadong jet, ay kayang magpakain ng daan-daang pamilya sa loob ng ilang buwan.

Pero saan nga ba nanggagaling ang kanyang yaman? Galing ito sa kanyang mga tagasunod—karamihan sa kanila ay ordinaryong mga manggagawa na sumusweldo ng minimum wage, ngunit pinipilit magbigay ng 10% ng kanilang kita sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Kapag tinanong kung paano niya maipaliliwanag ang kanyang marangyang pamumuhay, simple ang sagot ni Quiboloy, “Kung hindi ito kalooban ng Diyos, wala ako nito.” Ayon sa kanya, dumadaloy sa kanya ang kalooban ng Diyos, at naniniwala naman dito nang walang pagdududa ang kanyang mga tagasunod.

Kahit namuhay nang simple si Hesus, sinasabi ni Quiboloy na siya ay katulad ni Hesus—kahit wala namang pribadong jet o marangyang compound si Hesus.

Ang tinatawag na “talento” ni Quiboloy sa pangangaral ay umakit ng higit sa 6 milyong miyembro, marami sa kanila ay kapos sa buhay ngunit patuloy pa ring nagbibigay ng kanilang pera, sa paniniwalang ito ang magliligtas sa kanila mula sa impiyerno.

Nang tanungin kung bakit nagdurusa ang kanyang mga tagasunod habang siya ay nagpapakasasa sa karangyaan, ang buong kumpiyansang sagot ni Quiboloy, “Ito ang plano ng Diyos.”

Pero may mas madilim pang kwento, inakusahan si Quiboloy ng kidnapping at pag-brainwash sa kanyang mga tagasunod, at kinokontrol ang bawat galaw nila.

Ngunit kapag tinanong, mariing iginiit ni Quiboloy na malaya ang kahit sino na umalis kung gusto nila. “Kung aalis sila, pupunta sila sa impiyerno.”

“Kung gusto nilang pumunta ng impiyerno, walang pipigil sa kanila,” ayon sa kanya, na tila banta sa mga nagtatangkang umalis.

Sa huli, tatlo lang ang posibilidad: si Quiboloy ay tunay na Anak ng Diyos, isang mapanganib na ilusyunado, o isang napakahusay na manloloko?

Ang isang tao na tila sumasang-ayon sa ilusyon ni Quiboloy ay si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Magkaibigan sina Quiboloy at Duterte, at pareho nilang itinayo ang kanilang mga imperyo sa takot, manipulasyon, at kapangyarihan.

Ang kilalang giyera kontra droga ni Duterte ay hindi malayo sa kontrol ni Quiboloy sa kanyang kaharian—parehong ginamit ang kanilang plataporma upang linlangin at pagsamantalahan ang masa habang namumuhay sa yaman at karangyaan.

Ang kanilang relasyon ay nagbubukas ng malalalim na tanong tungkol sa kung paano pinayagan ni Duterte na umangat ang isang tulad ni Quiboloy noong siya’y nasa kapangyarihan.

Posible kaya na ang “Hinirang na Anak ng Diyos” at ang dating pangulo ay parehong nababaliw sa kanilang mga ilusyon? O sila kaya’y parehong mapanlinlang na mga manloloko na ginagamit ang taumbayan para sa sariling kapakinabangan?

36

Related posts

Leave a Comment