PROTEKSYONG HATID NG CODE VIOLET PROTOCOL

Sa Ganang Akin

Aking napagtanto ang peligro at ang matinding paghamon na hinaharap ng ating medical practitioners.

Bilang ama ng isang bagong doktor, alam ko na marami ang nag-iisip na malayo sa peligro ang mga ito sa kanilang trabaho, ang pasiglahin at pagalingin ang tao.  Pero hindi pala ito ang kadalasang nangyayari.

Madaming usap-usapan sa internet tungkol sa mga bayolenteng insidente kung saan nabibiktima ang ating medical practitioners. Talamak ito lalo na sa mga nagtatrabaho sa conflict areas. Ang nakakagulat dito ay ang mga karahasang ito ay nangyayari dahil sa nakakadismayang serbisyong nakuha nila.

Napakahirap tanggapin ng pangyayaring ito. Gaano kalalim ang galit at pagiging dismayado ng mga ito para makagawa sila ng karumal-dumal na pagkilos laban sa mga taong nagsakripisyo at nanumpa para magpagaling o sumagip ng buhay. Talagang kasama na rin siguro ito sa isang trabahong masasabing high-risk, kaya mayroong mga protocol na nakalaan upang mapigilan ang mga pangyaya­ring ito.

Dito papasok ang ginawang Code Violet Protocol ng National Medical Forum kung saan may mga alituntunin para maprotektahan ang ating mga medical practitioners laban sa mga marahas na pasyente.

Ang Code Violet Protocol ay nagbibigay ng proteksyon mula sa pisikal na pananakit ng mga bayolenteng pasyente laban sa isang doktor, o ‘di kaya ang paninira ng mga ari-arian ng isang ospital.

Sumasang-ayon ako sa National Medical Forum sa kanilang paniniwala na hindi lang dapat sa kapulisan o sa gobyerno umasa upang masiguro ang kaligtasan ng mga doktor at mga katrabaho nito. Ang responsibilidad na ito ay dapat pagtuunang pansin mismo ng ospital kung saan sila nagtatrabaho at nagseserbisyo. Sa pamamagitan ng Code Violet, ang kailangang antas ng seguridad ay siguradong makakamit.

Maaring makita online ang nasabing mga alituntunin ng Code Violet para sa mga doktor at ospital.  Para sa kaligtasan ng lahat, kailangan itong maipatupad at sundin sa ­ating mga ospital. (Sa Ganang Akin /  Joe Zaldarriaga)

218

Related posts

Leave a Comment