PROTEKTOR NG ILEGAL NA SUGAL SA ORIENTAL MINDORO SASABIT SA INTERNAL CLEANSING NG PNP

BALYADOR ni RONALD BULA

TIYAK na “sasabit” ang ilang PNP officials sa Oriental Mindoro kapag mahigpit na paninindigan ni PNP chief, General Rodolfo Azurin ang paglilinis sa hanay ng pulisya batay sa naunang polisiya ng Philippine National Police (PNP) na internal cleansing sa loob ng naturang organisasyon.

Kabilang sa posibleng sumabit ay mga chief of police at provincial director ng Oriental Mindoro dahil sa ‘di masugpong operasyon ng iligal na sugal na kung tawagin ay “drop ball baraha” (Pingpong), at “color games” na talamak ngayon sa nasabing probinsiya na sinasabing ginagawang gatasan ng ilang matataas na opisyal ng PNP.

Kaakibat ng pamumuno sa organisasyon ay ang responsibilidad at ang mabigat na pananagutan, kaya ang mga chief of police at provincial director na nabigyan ng kapangyarihan sa bisa ng mandato ng “police service” ay may pananagutan batay na rin sa doktrina ng command responsibility.

Kaya kung sakaling may pagkukulang at pagpapabaya nga sa kanilang tungkulin ang provincial director ng Oriental Mindoro na si P/COL. SAMUEL DELORINO at mga hepe ng pulisya sa nabanggit na lalawigan dahil sa ‘di pag-aksyon nito laban sa lantarang magdamagang operasyon ng “drop ball baraha” (Pingpong), at “color games”, ay pagpapabaya sa tungkulin ang tawag dito.

Kaya kung nagpapabaya nga si Col. Delorino at walang kakayahang supilin ang inuumagang operasyon ng iligal na sugal sa kanyang areas of responsibility (AoR) na itinuturing na notoryus kung saan marami na ang nabuang at naging adik sa sugal, ay wala na sigurong karapatang manatili pa sa kanyang pwesto dahil nakahihiya ito kina PRO4B Regional Director P/BGen. Sidney Hernia at Gov. Humerlito “Bonz’ Dolor.

Matatandaang pinaghahain ni DILG Sec. Benhur Abalos ng “courtesy resignation” ang lahat ng police colonel at general dahil sa umano’y pagkakasangkot ng mga ito sa drug trade, ay marapat lang din na utusan ni Abalos ang mga COP at PD sa nasabing lalawigan na mag-courtesy resignation dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa iligal na sugal na walang pinagkaiba sa droga dahil nakakaadik din ito at maraming pamilya na ang napariwara ang buhay dahil sa pagsusugal ngunit hanggang ngayon ay patuloy nilang kinukunsinti ang operasyon ng iligal na sugal sa nasabing probinsya.

Mukhang hindi na epektibo ang kautusan ng PNP chief na INTERNAL CLEANSING at NO TAKE POLICY, na ipinatutupad ng mga dating PNP chief.

Sa kabila ng direktiba, tila walang ring naririnig dito ang mga chief of police at PNP provincial director.

Sa dami ng narestong mga operator ng drop ball baraha (pingpong) at color games mukhang nababalewala ang ibinabang INTERNAL CLEANSING, NO TAKE POLICY at ONE STRIKE POLICY ng Camp Crame, dahil sa nagpapatuloy na pamamayagpag nito sa lalawigan ni Gob. Dolor.

Ayon sa ating bubwit, protektado diumano ng ilang pulitiko at PNP officials kaya untouchable ang illegal gambling sa naturang lalawigan.

Ayon naman sa isang police insider na ayaw magpakilala, na nagpaabot na kanyang reklamo, umaabot sa P2.5-milyon ang umano’y buwanang payola para sa ilang tiwaling opisyal ng kapulisan, at ilang kurakot na pulitiko.

May kasunod pa!

Mga pulis na ‘di sumisipot
sa court hearing binalaan

Samantala, nagbabala naman si Abalos sa mga pulis na mananagot ang mga ito kapag nabigong dumalo sa pagdinig sa nahuling drug suspects nang walang balidong dahilan.

Iminungkahi ni Abalos ang online hearing sa mga kaso kung saan ang mga pulis ay hindi maaaring magtungo nang personal sa legal proceedings, dahil sa balidong rason.

Aniya, dapat bantayan ng mga awtoridad ang mga laboratory at forensic evidence upang matiyak ang conviction ng drug suspects.

Gumawa na ang DILG ng mga hakbang upang tugunan ang low conviction rate sa illegal drugs cases sa bansa. Ayon kay PNP Deputy Chief for Operations, Major General Benjamin Santos, ang conviction rate sa drug cases ay nasa 0.88% lamang.

Karamihan sa mga kaso ay nadi-dismiss dahil sa teknikalidad kabilang ang paghawak ng ebidensya.

Anila, maraming kaso ang nadi-dismiss dahil sa kakulangan ng mga testigo.

Para maiwasan, nanawagan ang DILG sa local government units (LGUs) na magtalaga ng Department of Justice (DOJ) personnel para magsilbing saksi.

 

100

Related posts

Leave a Comment