SIMULA sa isang linggo uupo na ang mga nanalong mga opisyal mula senador hanggang konsehal.
Marami ang mga bagong mukha at marami rin naman ang nanalong matatagal na sa puwesto.
Tapos na ang panahon para sa matatamis na salita at pangako, panahon na para suklian ang mga botante ng tuwiran at tapat na pagsisilbi.
Ayon sa ating Konstitusyon, “Public office is a public trust.” Ang mga naglilingkod sa pamahalaan ay dapat magsilbi sa taong bayan ng may katapatan, kagalingan at karangalan.
May ngipin ang mga katagang sa mga may tunay na malasakit sa bayan. Ngunit sa iba, gasgas at mabulaklak lang kung ang public office ay kapangyarihan at kayamanan.
Kung tutuusin parang dumaraan sa butas ng karayom ang isang politiko sa hirap manalo, sa gastos, sa panliligaw sa mga botante at negosyante, at sakit sa katawan na dulot ng kampanya. Nakataya na rin ang pangalan, pamilya, dignidad, propesyon, at kayamanan sa pagtakbo.
Ang politika ay isang malaking sugal ang may suwerte, may malas, may magaling at magulang, may beterano at bagito.
Ano pa man ang mga puhunan na iyan, hindi na dapat na magsayang pa ng panahon ang mga nanalong kandidato, bagkus ay magtrabaho agad.
Maikli ang panahon para sa mga naglilingkod ng tapat subalit mahaba at nakakabagot sa mga politikong ang kanyang mga pangako ay nalimot agad.
Ang pagpili ng taong magsisilbi sa bayan ay pinag-aaralan, kung kaya’t dapat lang Maging waIs Ka!
Para sa komento, at suhestiyon maaaring mag email sa Ilagan_ramon@yahoo.com. (Maging waIs Ka! / MON ILAGAN)
141