PUBLIKO BAKIT WALANG TIWALA SA MURANG GAMOT NA GENERIC?

EDITORIAL

SABI nga, ‘di baleng wala kang maraming karangyaan sa buhay, basta malusog ang pangangatawan ng buong pamilya.

Mahirap magkasakit. ‘Di ba nga at bawal ang magkasakit.

Pero, hindi naman maiiwasan ang sakit lalo pa’t sandamakmak ang problema sa buhay.

Sa harap nito, mayroon namang matatakbuhan ang mamamayan lalo na kung murang gamot ang hanap.

Ilang dekada na ang nakalilipas nang maisabatas ang Cheaper Medicines Act at ang Generics Act ngunit bantulot pa rin itong gamitin ng mga maysakit nating kababayan.

Iginigiit sa Kamara na ang naturang mga batas ay panangga, higit ng mahihirap na mga Pilipino, lalo na sa panahong mahina ang katawan.

Bakit nga ba wala pa ring tiwala ang mamamayan na gamitin ang generic na mga gamot.

Isinisi ng isang mambabatas sa Kongreso ang gobyerno sa kawalan ng tiwala ng mga Pinoy na uminom ng generic drugs upang gumaan naman ang gastusin kapag nagkakasakit.

Dahil dito, kinalampag ni Agri Party-list Rep. Wilbert Lee ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), Philippine Information Agency (PIA) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na paigtingin ang kanilang information campaign para sa generic drugs.
Ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), nasa 7% lang sa 1,000 respondents ang may nalalaman hinggil sa generic drugs habang 48% ang naniniwala na hindi epektibo ang ganitong mga gamot kumpara sa mga branded.
“Nakababahala na may ganitong pagtingin pa rin ang marami nating kababayan sa generic medicines na de-kalidad at mabisa ring mga gamot. Ilang taon at dekada na ang lumipas sa pagsasabatas ng ‘Cheaper Medicines Act’ at ‘Generics Act’ pero hanggang ngayon, mas tinatangkilik pa rin ng marami ang ‘di hamak na mas mahal at branded medicines,” ayon sa mambabatas.
Sinasabing kulang ang kampanya sa impormasyon para isulong ang generic drugs na kasing bisa rin ng branded medicines.

Tungkulin ito ng gobyerno upang bilhin ang generic na mga gamot upang mabawasan ang gastusin ng mga tao kapag sila ay nagkakasakit.
“Dapat mas agresibo pa ang gobyerno sa pagsusulong ng wastong impormasyon at pagpapatupad ng batas para mapagaan ang pasanin ng ating mga kababayan, lalo na para sa kanilang kalusugan,” dagdag pa ni Lee.
Tungkulin din aniya ng gobyerno na magpasa o epektibong ipatupad ang umiiral na mga batas para mawala ang takot at pangamba ng bawat pamilya sa pagkakasakit sa takot na lalong malubog sa utang o hirap dahil walang pambili ng gamot at pambayad sa ospital.

Totoong hindi makaiiwas sa sakit ang mamamayan ngunit kung kakampi naman ang gobyerno sa pagtulong upang kahit sa ganitong paraan ay tiyak na gagaan ang bigat na nararamdaman ng mga Pilipino lalo na sa panahon ng pagkakasakit.

22

Related posts

Leave a Comment