PUMILI NG MATINONG BRGY. AT SK OFFICIALS SA HALALAN

PUNA ni JOEL O. AMONGO

TAPOS na ang filing ng certificate of candidacy (COC) noong Agosto 28 hanggang Setyembre 2, 2023 ng mga kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) positions.

Magsisimula ang campaign period sa darating na Oktubre 19 hanggang 28, 2023 para sa mga nakapaghain ng kanilang kandidatura.

Ang election period ay nagsimula noong Agosto 28 hanggang Nobyembre 29, 2023.

Ang election day ay Oktubre 30, 2023, dakong alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.

Ipinatupad na rin ng Comelec Resolution No. 10918, ipinahayag noong May 17, 2023, na nagtakda ng rules and regulations sa ban sa pagdadala ng firearms, deadly weapons, employment sa gobyerno, at iba pa.

Kaya naman kaliwa’t kanan na ang makikita nating checkpoints na isinasagawa ng ating mga awtoridad sa buong bansa.

Napansin nating mukhang nakararanas na naman ng diskriminasyon ang ating mga kababayang nagmomotorsiklo dahil sila ang madalas na pinahihinto sa mga checkpoint.

Ang single na motorsiklo ang ginagamit ng minimum wage earner na naaapektuhan ng mahigpit na checkpoints ng mga awtoridad partikular sa National Capital Region (NCR).

Apektado rin nito ang call agents na kadalasan lumalabas sa mga dis-oras ng gabi.

Balik po tayo sa gaganaping Barangay at SK elections ngayong Oktubre 2023, kailangan maging matalino tayo sa pagpili ng mga mamumuno sa ating mga barangay.

Dahil hindi natin alam kung kailan ulit gaganapin ang susunod na Barangay at SK elections, kadalasan kasi ipinagpapaliban ang halalan nito.

Kung ang mapipili nating mga Barangay at SK official ay palpak, matagal tayong magsasakripisyo.

Kailangan natin ng mga barangay official na nakahandang maglingkod sa kanilang mga kapitbahay.

Marami kasi sa mga barangay official natin, kapag nahahalal na ay pakiramdam nila, sila ang dapat paglingkuran ng kanilang mga kapitbahay.

Hindi natin kailangan ng mataas na pinag-aralan sa ating mga barangay official, ang mahalaga lamang sa kanila ay dapat alam nila ang kanilang mga trabaho at may malasakit sa kanilang mga kapitbahay.

Kaya ‘wag tayong magkakamali sa pagboto ng mga Barangay at SK official sa darating na election sa Oktubre, pumili tayo ng tamang tao para sa bandang huli ay hindi tayo magsisi.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

223

Related posts

Leave a Comment