PUNA SA MABAGAL NA ROLL OUT NG COVID-19 VACCINES

0

NANGANGAMBA si Dr. Tony Leachon, dating miyembro ng COVID-19 task force na posibleng masayang lang ang ilang bakuna na dumarating sa bansa kung hindi agad ito maipamamahagi ng gobyerno sa dapat na pagbibigyan nito.

Ngayon pa nga lang na ‘di pa dagsa ang pagdating ng mga bakuna mula sa iba’t-ibang bansa ay mabagal na ang roll out nito, lalo pa kung sabay-sabay na ang pagda­ting nito sa bansa.

Ilan sa mga bakuna na dumarating sa bansa ay hanggang dalawang buwan lang ang itatagal hanggang expiration date nito.

Kaya kung hindi agad itong maipapamahagi ay baka masayang ito at mapaso lang.

Ayon sa nakuha ­nating info, itong huling Linggo ng Mayo hanggang Hunyo ay simula na ang pagdating ng milyun-milyong doses ng COVID-19 vaccines sa Pinas.

Kaya nababahala si Dr. Leachon na kung hindi magbabago ang istratehiya ng ­gobyerno sa roll out ng bakuna ay marami nito ang maabutan ng expiration.

Sa pagtaya, nasa 7 ­milyong COVID-19 doses na ang kabuuang dumating sa Pilipinas nitong mga nakalipas na buwan pero hanggang ngayon ay marami pa rin ang hindi naipamamahagi sa mga dapat pagbibigyan nito.

Pinuna rin ng marami ang online scheduling ng pagbabakuna na isang pahirap lang sa mga gustong magpaturok.

Ang mga ganitong style na ipinatutupad ng ilang Local Government Units (LGUs) ay lalo pang nagpapabagal sa bakunahan.

Bakit hindi raw gamitin ang mga health centers na matatagpuan sa mga barangay sa buong Pilipinas para sa pagbakuna?

Sila na mismo ang mag-ikot sa kanilang nasasakupang mga residente para sa pagbakuna.

Mas mainam pa ito kesa kukuha ng mga pribadong lugar para dun gawin ang maramihang pagbabakuna na pagkakagastusan pa ng gobyerno.

Posible rin pagmulan ng hawaan ng COVID-19 ang mga ginagawang mega vaccination sites dahil dadagsain ito ng maraming tao.

Mismo ang mga nanga­ngasiwa ng bakunahan ang nagiging dahilan ng mabagal na roll out at pagtuturok ng mga bakuna dahil sa hindi sistematikong paraan na ginagawa nila.

Sa mahigit 100 milyong populasyon ng Pilipinas hanggang kelan kaya mababakunahan ang 50% o kalahati nito?

Laging sinasabi ng ­gobyerno na dapat hanggang Disyembre ngayong taon ay magkaroon na ng herd immunity ang mga Pinoy dahil sa bakuna.

Mukhang suntok sa buwan at panaginip lang ang pahayag na ito.

Kung 200k kada araw ang mababakunahan sa buong bansa ay imposibleng maabot ang target na herd immunity sa Disyembre 2021.

Sa 200k kada araw na mababakunahan sa buong bansa ay aabutin lamang ito ng 1.4 milyong matuturukan ng COVID-19 vaccines mula Hunyo hanggang Disyembre 2021.

Paano nga naman magkakaroon ng herd immunity ang mga Pinoy na wala pa sa 1/4 ng mahigit sa 100 milyong populasyon ng Pilipinas ang mababakunahan hanggang Disyembre 2021?

Sa huling nakuhang info ng PUNA, sa ngayon ang buong bansa ay nakakapagtala pa lang ng mahigit sa 60k kada araw na bakunahan.

Kelan pala nila mababakunahan ang kalahati ng populasyon ng Pinas?

Aanhin pa ang bakuna, kung wala na ang babakunahan?

Sabi pa ni Dr. Leachon dati kakaunti pa lang ang ­dumarating COVID-19 vaccines ay mabagal na ang roll out, lalo pa ngayon na ­dadagsa na ito?

Mismo kasi ang mga ­opisyal ng Inter-Agency Task Force at mga nasa Local ­Government Units ay hindi nagkakasundo kung paano ang kanilang ­gagawing sistema para mapabilis ang distribusyon at pagtuturok ng mga bakuna sa mga nangangailangan.

Kung gusto nilang tularan ang bansang Israel na mabilis natapos ang kanilang bakunahan at nagkaroon na ng herd immunity ang kanilang mamamayan ay wag kayong mamili ng inyong tuturukan wag nyo rin pahirapan sa ­pagrehistro yung mga gustong magpabakuna na.

Isa pa, napakaliit ng populasyon ng bansang Israel kung ikukumpara sa mahigit 100 ­milyong mamamayan ng Pinas.

Kaya nga dapat ang mga nangangasiwa sa bakunahan ay maging triple ang bilis ng kanilang ginagawang trabaho para maabot natin ang herd immunity hanggang Disyembre 2021.

Kung hindi nila gagawin ito ay wag na tayong umasa pa na magkakaroon ng herd immunity ang Pinoy hanggang Disyembre 2021.

Kung si Pangulong Duterte ang masusunod ay mas gusto niyang matapos agad ang bakunahan.

Pero tila pasok sa kaliwang tenga, labas sa kanang tenga ang ginagawa ng mga opisyal sa kanyang mga sinasabi. Tigas ulo!

Report nila sa Pangulo lahat magaganda na taliwas naman sa totoong nangyayari.

Batu- bato sa langit, ang tamaan ay wag magagalit.

Yan po ang PUNA natin base sa ating nakikita.

Mas naniniwala po tayo base sa ating nakikita kesa sa mga sabi-sabi lang.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email ­joel2amongo@yahoo.com at ­operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0956-951-00-57.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment