PUSO AT GINTO PARA SA PILIPINAS

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

NAGSUSUMIGAW ang pagdiriwang at papuri sa loob at labas ng social media nitong nakaraang Biyernes nang tanghaling kampeon sa basketbol ang Gilas Pilipinas sa 19th Asian Games.

Nilampaso ng Pilipinas ang Jordan sa iskor na 70-60 sa finals match na ginanap sa Hangzhou, China.

Maituturing din itong napakagandang tagumpay dahil naungusan ng Jordan sa iskor na 87-62 ang Pilipinas sa nauna nilang laban. Pero hindi maipagkakaila at talagang nakabibilib ang ipinamalas na galing at determinasyon ng Gilas sa mga sumunod na makapigil-hiningang laban kontra Iran sa quarterfinals at China sa semifinals.

May ilang posts sa social media na nagsasabing hindi masyadong naramdaman ang suporta ng mga nanood nang live sa mga laban ng Gilas. Napakaraming mga Pilipinong sumusubaybay ang wala naman sa China, pero hindi naging hadlang ito para talagang ipakita ng ating mga coaches at mga manlalaro na para sa Pilipinas ang gintong ito.

Nakatutok naman ang napakarami sa laban na nagbalik ng korona sa Pilipinas matapos ang 61 taon. Talaga naman kasing nakatutuwa ang mga pangyayari dahil lubos na napatunayan ng Gilas Pilipinas na kayang-kaya nilang pabilibin, hindi lamang ang mga Pilipino, kundi ang buong mundo.

Naturingan na ngang “basketball-crazy nation” ang Pilipinas dahil sa nag-uumapaw na pagmamahal ng mga Pilipinong fans sa pinaka-popular na isport sa bansa. Maganda at talagang nakaka-inspire ang mga naging pahayag sa social media. Magandang balita ito sa pagtatapos ng linggo na nag-extend pa hanggang weekend.

Pero hindi lamang Gilas Pilipinas ang nagparamdam kung ano ba ang puso at galing ng mga Pilipino. Ito na nga ang ikaapat na ginto ng bansa sa ginaganap na Asian Games.

Noon ding nakaraang Biyernes, nasungkit din ng ating atletang si Annie Ramirez ang isa pang gintong medalya sa jiu-jitsu matapos talunin si Galina Duvanova ng Kazakhstan sa iskor na 2-0. Sinundan niya ang nauna nang ginto sa parehong isport na nakuha ni Meggie Ochoa matapos ang laban kay Balqees Abdulla ng United Arab Emirates nitong nakaraan ding linggo.

Si EJ Obiena ang unang nag-uwi ng medalyang ginto para sa Pilipinas matapos i-break ang record sa pole vault. Kung matatandaan, nasangkot sa iba’t ibang isyu itong si EJ pero hindi naging hadlang ang mga pagsubok na pinagdaanan nito para patuloy na magdala ng tagumpay sa Pilipinas.

Mayroon na ring dalawang silver sa boxing at wushu ang bansa at 18 na bronze medals sa taekwondo, tennis, cycling, sepak takraw, boxing at karate.

Nakabibilib talaga ang puso at determinasyon ng mga atletang Pilipino! Sana tuluy-tuloy silang maging inspirasyon sa atin na kahit anong pagsubok, kakayanin.

Habang sinusubaybayan ang Asian Games, at lalo na nitong talagang sumabog ang social media dahil sa pagkapanalo ng Gilas, kitang-kita naman kung gaano kahalaga para sa mga Pilipino ang paglinang at pagsuporta sa mga atletang Pilipino.

Maraming mga pagsubok at may mga insidente pa na mga atleta natin mismo ang nagsisiwalat ng kakulangan ng suporta sa kanila. Pero sa totoo lang, sobrang bilib din ako sa mga tao sa likod nila – kagaya na lamang ng mga institusyong sumusuporta sa kanila.

Hindi madali ang kanilang pinagdadaanan, kaya makabuluhan at malaki ang tulong na naibibigay ng sports patrons at sports organizations sa bansa. Sa kahit anong aspeto naman talaga, ang mahalaga ay mayroong parehong mithiin, ang pagtutulungan ng lahat para makamit ang tagumpay, para sa Pilipinas.

68

Related posts

Leave a Comment