PUSPUSAN, PASPASAN

SA kabila pa ng pagbuhos ng suplay ng COVID-19 vaccines, nananatiling usad-pagong ang pagbabakuna sa mga Pilipino, dahilan sa likod ng pagkaantala ng pagbangon ng bansa mula sa dusang dala ng pandemya.

Kung noon, suplay ang palusot ng administrasyon sa mabagal na pagbabakuna, ngayon tambak na ang suplay na karamihan ay libreng nakukuha mula sa mga bansang mapagkawang-gawa, wala nang dahilan ang gobyerno sa kanilang palpak na sistema.

Paandar pa ni vaccine czar Carlito Galvez, magagawa nilang mahagip ang target na 54 milyon bago matapos ang taon, bagay na dapat lang niyang panindigan lalo pa’t nagsimula na rin ang bakunahan sa mga kabataang edad 12 hanggang 17.

Sa kabagalan ng gobyerno, hindi malayong muling sumipa ang bilang ng mga positibo batay mismo sa pahayag ni Dr. Ted Herbosa na tuma­tayong medical adviser ng National Task Force against COVID-19 (NTF).

Ang totoo, sa pagsipa ng bakunahan para sa 12-17 age group, naiwan naman ang mga paslit na edad 11 pababang walang ano mang kalasag kontra pandemya dahil hindi pa naman pinahihintulutan ang pagtuturok ng bakuna kontra COVID-19 sa mga ­paslit.

Ang siste, napa­aga ang pagluluwag ng ­gobyerno sa ha­ngaring buhayin ang ekonomiya at makalikom ng pondo – sukdulang ilagay sa peligro ang mga kabataang pag-asa ng kinabukasan.

Higit na kailangan ang bakunahang puspusan at paspasan na pwede lang maisakatuparan kung ang sistema ay may kaayusan at walang pinapaborang lalawigan. Hindi dapat sukatan ng prayoridad ang bilang ng botante sa pagbibigay ng bakunang proteksyon ng sambayanan.

Hay naku… ang bayan ni Juan!

3

Related posts

Leave a Comment