PUTING LISTAHAN SAGOT NGA BA SA PROBLEMA NG OFWs SA SAUDI?

AKSYON NI CASTILLON Ni ATTY. DAVID CASTILLON

ANG listahan na ilalabas ng DMW ay inaabangan ng lahat ng recruitment agencies na nagpapadala ng mga household service worker (HSW) o domestic helpers sa Saudi Arabia.

Ito ay naglalaman ng mga rehistradong ahensya na nakapasa sa alituntunin na itinakda ng kinauukulan. Subalit nababalot ito ng kontrobersya dahil ang lahat ng ahensya ay agad na masasabing disqualified maliban na lamang kung ito ay makapagbibigay ng kumpletong papeles na hinihingi ng DMW.

Ito ay kakaibang paraan ng pagpapatupad ng isang patakaran sapagkat hindi ito dumaan sa maayos na public consultation upang ang industriya ay makapagbigay ng mahalagang ideya patungkol sa pagsasaayos ng mga proseso na pagdaraanan o susundin.

Nabigla ang lahat dahil sa muling pagbubukas nitong November 7, 2022 ay wala palang ahensya na pwedeng magpadala ng HSWs sa Saudi Arabia.

Karamihan kasi sa mga ahensya ay ngayon pa lamang magsisimula upang makasama sa White List. Hindi totoong binuksan na ang pagpapadala ng mga HSW sa Saudi Arabia sapagkat sangkatutak na kailangang dokumento ang bumulaga at ito ay hindi madaling gawin.

Maaaring makasama ang isang ahensya sa listahan subalit kahit anong oras ay pwede itong matanggal kapag hindi nasunod ang mga kondisyones.

Una na rito ay ang pagtalaga ng isang welfare officer sa kada isandaang manggagawa na ipadadala sa Saudi Arabia. Kailangang magkaroon ng isandaang welfare officers ang ahensya kapag umabot na ng sampung libo ang ipinadalang mga manggagawa.

Ito ay nakatatawang sitwasyon dahil ang dami ng welfare officers sa Pilipinas ay walang saysay kapag ang problema ay nasa lugar na pinagtatrabahuan lalo na kapag ang employer ay sadyang pasaway.

Kahit punuin pa ng welfare officers ang isang ahensya, hindi pa rin ito makatutulong kung ang employer na mismo ang hindi magbibigay ng exit visa o clearance.

Hindi sa dami ng mga empleyado nakasalalay ang mabisang solusyon laban sa problema ng mga OFW kundi ang maayos na sistema ng pag-aasikaso sa kalagayan ng mga manggagawa.

Bukod sa kinakailangang welfare officer, dapat ang ahensya ay walang suspension o kanselasyon sa loob ng anim na buwan mula sa araw ng pagsumite ng aplikasyon para makasama sa White List. Ito ay napakalabo dahil may mga kaso na nakaapela o nabaliktad ang desisyon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Meron namang ahensya na nagbayad ng multa na P50,000 sa bawat buwan ng suspension imbis na maparusahan.

Ang mga problema ng OFW na humihingi ng tulong o nagpapauwi ay dapat matugunan ng ahensya. Subalit hindi malinaw ang mga nilalaman ng patakaran na ito.

Kapag napatunayan na hindi totoo o gawa-gawa lamang ang reklamo ng isang manggagawa at ito ang naging sanhi upang matanggal ang ahensya sa White List, magbibigay ito ng ­matinding dagok sa ahensya at inosenteng mga principal.

Delikadong matanggal sa listahan ang ahensya kapag napakaraming kontrata ang nakaabang lalo na kung ang problema ay nagmumula sa ibang lugar at hindi naman sa Saudi Arabia.

Kung kayo ay may mga katanungan na kailangan ng kasagutang legal, sumulat lamang sa “AKSYON NI CASTILLON” sa email address castillon.lawoffice@gmail.com.

59

Related posts

Leave a Comment