PUNA ni JOEL O. AMONGO
NAGPAPATUNAY lamang na talamak pa rin ang sugal sa Quezon City matapos malambat ng Quezon City Police District (QCPD) ang 23 katao sa kanilang 1-Day Anti-Illegal Gambling Operation noong Agosto 19, 2023.
Base sa press release na inilabas ng QCPD, naaresto ng Talipapa Police Station 3 ang tatlo katao na naglalaro ng “cara y cruz” na sina Enrico Base, Tannick Lingating at Rolly Gonzon, habang nadakip ng Novaliches Police Station 4 sina Jomar Lavian at Chris Ignacio; habang nasakote ng Anonas Police Station 9 sina Jeric Boras, John Paul Cabunos at Christopher Valencia, pawang noong Agosto 19.
Idagdag pa riyan ang mga nahuli ng Galas Police Station 11 na sina Armando Padilla at Mark Alvin Libres; ang nadakip ng Holy Spirit Police Station 14 na sina Eugene Tongco, Nathaniel Andres Andaya, Michael Serra at Rodel Sarcia sa parehong petsa.
Nahuli rin ng Police Station 3 sina Leticia Domingo, Julieta Gravoso, Marry Grace Navarro at Jay Patrick Arnoldo na naglalaro ng “mahjong” at nadakip ng Eastwood Police Station 12 si Tee Jay Padua sa paglalaro ng “ending game”.
Dinakip din ng District Special Operations Unit (DSOU) ng QCPD sina Norvie Camatura Nacor, Elmer Balondo Altamia, Jonix Martizano Paramo at Romel Perfecto na pawang naglalaro ng “online sabong”.
Nakumpiska ang iba’t ibang gambling paraphernalia at bet money sa mga suspek na pawang nahaharap sa kasong paglabag sa P.D. 1602 o ang Anti-Illegal Gambling Law.
Ang sugal ay matagal nang nangyayari noong sinaunang panahon kaya kinakailangan na maging masigasig ang ating mga awtoridad sa kampanya laban dito.
Kailangan magpakita ang ating mga awtoridad ng sinseridad sa kanilang kampanya laban sa lahat ng klase ng illegal na aktibidad para paniwalaan sila ng taumbayan na gusto nilang matigil ang mga ito.
Dapat iwasan din nila na mabahiran sila ng pagdududa ng taumbayan na nakikipagsabwatan sila sa mga gumagawa ng illegal.
Mahirap kasi maibalik ang tiwala ng taumbayan sa mga awtoridad kapag nasangkot sila sa illegal na mga gawain.
Kailangan ding maipakita ng mga awtoridad na wala silang kinikilingan maging malaking tao o politiko man ang nasasangkot sa mga illegal at dapat masampahan ng kaukulang kaso ang mga ito.
Kung susundin lamang ang mandato ng mga empleyado ng gobyerno sa kanilang mga pinaglilingkurang opisina ay wala sana tayong problema at madaling mareresolba ang mga suliranin.
Wala namang mandato sa anomang tanggapan ng pamahalaan, na maging korap, ilegalista at gumawa ng kalokohan ang mga empleyado o opisyal nito kundi lahat ay para sa ikabubuti ng ating Inang Bayan.
Hangad ng lahat ng mga Pilipino na umangat na ang ating bansa dahil matagal na tayong naghihirap.
oOo
Para sa sumbong at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
