QUEZON AT SOUTHERN LEYTE KINILALA SA GAWAD KALASAG

TARGET ni KA REX CAYANONG

HINIKAYAT ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang publiko na patuloy na makipagtulungan para sa kaunlaran at kapayapaan.

Ang probinsya ng Quezon ay ginawaran ng Gawad Kalasag Seal of Excellence at itinanghal na “Beyond Compliant Province” ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para sa taong 2023.

Ayon kay Gov. Helen Tan, ang parangal na ito ay nagpapahiwatig na labis silang sumunod sa mga pamantayan para sa pagtataguyod at pagganap ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMCOs).

“Isang pagbati sa QPDRRMO, na pinamumunuan ni Dr. Melchor Avenilla, Jr., sa kanilang matagumpay na paglalakbay tungo sa mas mataas na antas ng kaligtasan at paghahanda,” wika ni Tan.

Ang Regional Gawad Parangal mula sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ay ibinigay at inialay sa masigasig na pagsusumikap ng lahat ng mamamayan ng Quezon, kasama na ang mga alkalde, Civil Society Organizations (CSOs), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine National Police (PNP) sa patuloy na pagtataguyod ng matibay na kapayapaan at kaayusan sa Quezon.

Sa patuloy pagtutulungan ng lahat, ayon kay Gov. Tan, asahan na raw ang mas mataas na antas ng kaunlaran at kapayapaan.

Ang tagumpay ng Quezon ay tagumpay ng bawat isang Quezonian.

Patuloy na isusulong ni Gov. Helen Tan ang pagkakaisa para sa ikauunlad ng probinsya.

Samantala, sa makasaysayang okasyon ng NDRRMC sa ika-23 Gawad KALASAG National Awarding Ceremony, pinarangalan nga ang mga natatanging nagtagumpay sa larangan ng disaster risk reduction and management.

Isa sa mga ipinagmamalaki ngayon ng bansa ay ang pagiging awardee ng Southern Leyte, at personal na tinanggap ni Gov. Damian Mercado ang award. Ang pagkilala na ito ay nagmula sa masigasig na paghahanda ng probinsya sa anomang uri ng kalamidad.

Ang pagiging handa ng kanilang DRRM office sa harap ng anomang sakuna ay nagbunga ng kanilang tagumpay. Hindi lamang ito isang parangal para sa liderato kundi pati na rin para sa bawat isa sa ating mga kababayan na nagsilbing kampeon ng kaligtasan.

Ayon kay Gov. Mercado, sa kabila ng mga hamon at krisis na hinaharap, ipinakikita ng Southern Leyte ang determinasyon na maging matatag at handa sa anomang pagsubok. Ang pagtanggap ng parangal na ito ay hindi lamang isang pagkilala sa kahandaan nila, kundi pati na rin sa ugnayan at pagtutulungan sa pagharap sa mga hamon.

Ang inyong pagmamahal at pakikiisa sa inyong nasasakupan ay nagsilbing inspirasyon sa lahat ng lokal na pamahalaan.

Sa mga panahong ito ng krisis, ang pagtutulungan at pagkakaisa ay nagiging pundasyon ng inyong tagumpay.

86

Related posts

Leave a Comment