QUEZON GOV. SUAREZ, MGA HEPE NG KAPITOLYO KAKASUHAN NG SP

0

BINALAAN ng Sangguniang Panlalawigan ng ­Quezon ang mga opisyales ng Pamahalaang Panlalawigan, na kakasuhan nila ang mga ito ng pandarambong kung itutuloy pa rin ng mga ito ang pagpapalabas at paggamit sa 2021 annual budget ng probinsya.

Inihayag ng siyam na ­miyembro ng Sangguniang Panlalawigan sa ­pangunguna ni Majority Leader Bokal ­Sonny Ubana, gagawin nila ang pagsasampa ng kasong pandarambong sa hukuman laban kina Gov. Danilo ­Suarez at department heads ng kapitolyo sa oras na gamitin ng mga ito ang annual budget ng lalawigan nang hindi pa nareresolba sa hukuman ang usapin hinggil dito.

Ang nasabing pondo ay hindi aprubado ng mga bumubuo ng Majority Bloc ng panlalawigang konseho dahil sa anila’y pagiging depektibo at kwestyunable nito.

Gayunman, kamakailan lamang ay inaprubahan din ito ng apat na mga Bokal na bumubuo ng Minority Bloc sa isang special session makaraang patawan sina Bokal Ubana ng Office of the President sa pamamagitan ng ­Department of the Interior and Local Government (DILG), dahil sa mga reklamong abuse of authority, oppression at grave misconduct, na mariing kinontra nina Bokal Ubana.

Nauna nang kinuwestyon nina Ubana sa pamamagitan ng paghahain ng petition, ang anila’y ilegal na pagdaraos ng dalawang special session ng apat na Bokal at ng Vice ­Governor at ilegal na pag-aapruba ng mga ito sa annual budget para sa 2021 at 2022.

Subalit sa kabila nito, pinaninindigan umano ni ­­Gob­ernador Suarez na legal ang ginawa ng konseho. Agad din siyang nag-anunsyo sa publiko na itutuloy niya ang paggamit sa pondo at nangako sa mga kinauukulan na kanila na itong mapapakinabangan sa lalong madaling panahon.

“Nasa pagpapasya ni Gov. Suarez kung itutuloy niya ang paggamit sa annual budget kahit nagsampa na kami ng petisyon sa mga hukuman upang linawin ang legalidad nito. Kung itutuloy niya, kami naman ng walo kong kasamahang Bokal sa Majority Bloc ay magsasampa ng kasong plunder laban sa kanya at sa kanyang department heads sa ­sandaling iutos ni Gov. Suarez na ma-release at magamit ang kinukuwestiyon nilang pondo o budget,” pahayag ni Bokal Ubana.

Paliwanag ni Bokal Ubana, bukod sa anak ng gobernador na si ­dating Gov. Jayjay ­Suarez, ay kabilang din sa posibleng kanilang sasampahan ng rek­lamo ay sina Provincial Accountant Evangelina Ong, Provincial Treasurer Rosario Marilou Uy, Provincial Budget Officer Diego Salas, at Provincial Agriculturist Roberto Gajo.

Dagdag pa ni Bokal Ubana na, “Hindi nila gustong madamay sa mga kaso ang department heads ng kapitolyo subalit kailangan umano nilang gawin ang tama upang protektahan ang pondo ng lalawigan”.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment