RAKET NG MGA AHENTE

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

SIMULA pa noong 2015 ay ­sinimulan na natin ang pagbibigay ng tulong sa mga kababayan nating “distressed workers”. Halos lahat na yata ng mapait na karanasan ng mga OFW ay narinig ko na.

Marami sa kanilang sumbong ay totoo. Pero may pagkakataon din naman na ilan sa mga nagsusumbong ay talagang may mga dagdag na sa kanilang kwento.

Kabilang dito ay ang ating karanasan noong ako ay nasa bansang Kuwait na kung saan ay halos sunod-sunod ang humihingi ng tulong at ang pagkakapareho ay pawang sumusuka diumano ng dugo at may ilan pa nga na may dugo rin sa mga mata kasabay ng kanilang pagluha.

Hindi naglaon ay natuklasan natin na ang mga dugo pala na ipinapakita sa video ay “fake blood” na ginagamit ng mga bata sa Kuwait na nabibili sa mga bilihan ng laruan para ipanakot.

Simula noon ay hindi na namin binibigyan masyado ng pansin kapag ang sinasabi ay sumusuka o lumuluha ng dugo. Nagkaroon din ng pagkakataon na may mga sumbong kaming natanggap na sunod-sunod naman ang mga nagsusumbong na pare-parehong may mga pasa sa mukha at katawan. Na hindi nagtagal ay natuklasan namin na ito pala ay mga make-up lamang. Katunayan maging ang mga lumang video ng isang babae na puno ng pasa ay ipinakalat na rin sa bandang huli ay natuklasan na ito pala ay isang make-up artist lamang na ginagamit sa pelikula ang kanyang mga trabaho.

Simula noon ay naging ­maingat na tayo sa pagtanggap ng sumbong at sinisiguro muna natin na nakakausap muna ang nagsusumbong at maging ang kanilang kamag-anak.

Ngunit nitong nakaraang linggo ay sunod-sunod na naman na paghingi ng tulong at pakiusap na mapauwi na sila sa Pilipinas, ang ating natanggap.

Kung mapapakinggan mo ang kanilang kwento ay talagang mahahabag ka. Ang akin lamang ipinagtataka ay halos magkakahalintulad ang dahilan ng kanilang pinagdaraanan. Kabilang na rito ay halos tatlong buwan pa lamang sa kanilang employer, hindi umano pinapakain.

Kasunod ng sumbong na ito ay ang kanilang sasabihin na hindi sinusunod ng employer ang kontrata na katulad ng pagbibigay ng Wi-Fi connection, pagbibigay ng sabon at shampoo.

Matapos kong kausapin ang kabayani nating nagsusumbong ay inamin niya sa bandang huli na ang bilin daw kasi sa kanya ng ahente na kumuha sa kanya ay pagkatapos ng tatlong buwan ay pwede na siya umuwi ng Pilipinas at ang kanya lamang gagawin ay magsumbong sa mga volunteer advocate at manawagan kay Raffy Tulfo. Ibinilin din sa kanya ng ahente na pag-uwi niya sa Pilipinas ay magpunta agad sa OWWA para kunin ang 20,000 na ayuda.

Sinasabi rin daw ng ahente na maaari nilang habulin sa NLRC at POEA ang mga sweldo na hindi matatanggap.

Nakalulungkot isipin na sa pagnanais ng volunteer advocates na sila ay matulungan ay tila nagagamit pa ang mga ito ng mga baluktot na ahente para sa sarili nilang kapakanan. Dahil matapos na mapauwi sa Pilipinas ay ipapasa na naman ng ahente sa ibang ahensiya ang OFW na tinulungan na mapauwi. Sa bagong ahensya ay tiyak na bagong komisyon na naman ang matatanggap ng mga ahente.

Related posts

Leave a Comment