RAPIDO GINAWARAN NG EXCELLENCE IN PUBLIC SERVICE AWARD!

RAPIDO NI TULFO

ILANG taon na ring ume-ere sa radyo at nababasa sa pahayagan ang Rapido ni Tulfo. Ilang award na rin ang natanggap ng inyong lingkod kaugnay sa kaliwa’t kanang serbisyo publiko na nagawa natin.

Sa hindi mabilang na reklamong natatanggap natin araw-araw mula nang mag-umpisa tayo, pinakamarami at pinakamalaking reklamo na hinawakan natin ay ang mga reklamo ng mga OFW na mga biktima ng iba’t ibang cargo company sa ibang bansa. Hanggang ngayon ay hindi pa natatapos ang problemang ito at hangga’t hindi nagkakaroon ng malinaw na batas na poprotekta sa mga balikbayan box na ipinadadala ng ating tinaguriang mga “Bagong Bayaning Filipino” ay hindi matatapos ang problemang ito na paulit-ulit lamang na gagawin ng mga kawatang cargo companies sa ibang bansa.

Ilang OFWs na rin ang napauwi natin mula sa ibang bansa na pinagmalupitan ng kanilang mga amo at pinabayaan ng kanilang mga agency. Wala nang sasarap pa sa pakiramdam kundi ang pasasalamat mula sa pamilya ng mga OFW na nawalan ng pag-asa na makauuwi pa sa bansa ang kanilang mahal sa buhay.

Isa sa mga bumubuo sa Rapido ay ang aking anak na si Ramon Enrique Tulfo. Bukod sa ipinapasok nitong radio sponsors sa aking programa, siya rin ang nag-aalaga ng aming social media accounts, kabilang na rito ang aking website. Dahil dito, inaalay ko sa aking anak, na pumanaw noong nakaraang buwan, ang parangal na ito. Isa siyang malaking bahagi ng aking tagumpay.

Maraming salamat sa NGO TV Awards Bayanihang Filipino 2024 sa pagkilala sa aming mga nagawa at mga naging kontribusyon sa lipunan na layuning makatulong sa iba. Muli, maraming maraming salamat!

Marami pang gustong gawin ang Rapido at hindi kami titigil hangga’t may mga taong umaasa sa aming tulong.

43

Related posts

Leave a Comment