RAPIDO NI PATRICK TULFO
ISANG OFW ang nag-akusa sa Rapido na umano’y kumikita sa delivery ng mga balikbayan box.
Sa isang group chat ng mga OFW kung saan kami isinama, pinalalabas ng OFW na ito na malaki masyado ang ibinabayad niya sa delivery charge ng umano’y “tao” namin na si Nelvin Eras. Pinalalabas niya na konektado sa Rapido itong si Mr. Eras na siyang nagde-deliver ng mga balikbayan box na nakuha niya sa Parañaque.
Unang-una, si Mr. Eras ay nakausap lang namin noong may lumapit sa amin na OFW dahil mataas umano ang singil ni Eras sa kanyang delivery charge. Sa isang pagkakataon ay na-interview namin si Mr. Eras at pinakiusapan na kung pwede ay bawasan ang singil niya sa pagde-deliver ng mga kahon, dahil ang mga may-ari ng mga ito ay mga biktima rin ng pang-i-scam ng mga cargo company na nag-abandona ng kanilang mga kahon.
Inisa-isa sa amin ni Mr. Eras ang mga gastusin niya upang mai-deliver niya ang mga hawak na kahon sa Cebu at Bohol. Naintindihan namin na malaki rin ang kanyang gagastusin dahil isasakay pa niya ito sa barko at ikukuha ng warehouse kung saan iiimbak ang mga bagahe pagdating ng Cebu.
Ayon nga kay Mr. Eras, maaari naman niyang ‘wag ng kunin ang mga kahon na nakatambak sa isang warehouse sa Parañaque pero naawa rin siya sa mga may-ari nito na naghahanap at nag-aabang sa mga ito. Kaya nga pinakiusapan na lang namin siya na hangga’t maaari ay mabawasan ang bayarin ng mga OFW.
Sa panig naman ng Rapido, tumutulong lang kami sa abot ng aming makakaya. Hindi kami nanghihingi ng anomang halaga sa aming mga tinutulungan, lalo na sa mga OFW. Hindi kami katulad ng ilang vlogger na humihingi ng pera sa mga OFW para lakarin ang nawawala nilang mga bagahe.
Kami po ay lumalakad gamit ang sarili naming pondo at walang hinihinging kapalit kahit pa madalas ay inaabot kami ng gabi sa kalsada upang matunton ang inyong mga kahon.
Kaya’t hindi po namin ikinatuwa ang akusasyon na kami ay may parte o kita sa sinisingil na delivery charge ni Mr. Eras. Minsan ko na pong sinabi sa programa na kung totoong tao ko si Mr. Eras o kung siya ay totoong konektado sa amin, ay ililibre ko na lang ang delivery ng mga kahon, pero hindi po ganun. Wala pong koneksyon si Mr. Eras sa amin.
Kaya’t hinihikayat ko ang OFW na nag-aakusa sa amin na kumikita sa delivery ng mga kahon, na patunayan ang kanyang akusasyon o kami ang magkakaso sa kanyang paninira.
Ang pagtulong po namin ay libre at hinding-hindi po namin pagkakaperahan o sasamantalahin ang sitwasyon ng sinoman para lang magkapera.
67