RAPIDO NI TULFO
ANO ba ang nangyayari diyan sa Ninoy Aquino International Airport na matapos na masira ang radar nito lang kasisimula ng taon, ay kuryente naman ang problema ngayon?
Libo-libo na namang mga pasahero ang naperwisyo nang mawalan ng kuryente ang NAIA Terminal 3 kahapon. Ayon kay Department of Transportation Sec. Jaime Bautista, may kinalaman daw sa mga circuit breaker ang problema.
‘Di raw kinaya ng mga ito ang biglaang surge ng kuryente mula sa labas ng paliparan, pero teka ‘di naman ganoon katanda ang NAIA Terminal na sinimulang gawin noon pang 1997 at natapos bago mag-2002.
Na-delay ng ilang taon ang operasyon ng paliparan dahil sa isyu ng gobyerno at ng gumawa nito na Piatco (Philippine International Air Terminals Company) na umabot pa sa demandahan. Nagamit lang nang husto ang Terminal 3 nang maging fully operational na ito noong July 2014, na ang ibig sabihin ay bago pa ito dahil wala pang sampung taon ang gusali na makikita naman sa kalagayan nito ngayon.
Nakapagtataka lang ang hiling Sec. Bautista na makialam na ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa imbestigasyon sa panibagong aberya sa paliparan. Ayon sa kalihim, mayroon daw nanabotahe sa NAIA, ang tanong ay sa anong kadahilanan? Hindi kaya makaladkad na naman ang pangalan ni dating DOTr Sec. Art Tugade sa isyung ito tulad ng nangyari noong nasira ang radar ng paliparan sa pagsisimula ng taon?
Hindi naman kaya “OVERKILL” na ang paghingi ni Sec. Bautista ng tulong sa NICA? Maliban na lang kung meron itong nalalaman na nangangailangan na ng expertise ng NICA.
Maugong pa rin ang mga bulungan sa paliparan na may kinalaman sa panukalang isapribado ang NAIA, ang mga pangyayaring ito na hindi naman nangyari noong panahon ni Pangulong Digong.
132