BISTADOR ni RUDY SIM
TILA na-fake news na naman itong si Department of Justice (DOJ) Secretary Boying Remulla makaraan na muling sumabog ang katiwalian sa isa sa mga ahensya ng pamahalaan na nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan.
Ayon sa pahayag ni Remulla, sa halagang P150K di-umano ay nakalalabas at nakapapasok sa bansa ang mga dayuhang nasa blacklist ng Bureau of Immigration, dahilan upang muling imbestigahan ang ilan sa pinaghihinalaang nasa likod ng katiwalian.
Hmm… Teka! Unang-una, Mr. Secretary Sir! Mukhang pati ang mga nagbato sa ‘yo ng impormasyon ay binubukulan ka? P150K? Aba eh, kahit sino sa BI ang iyong tanungin, walang papayag sa hinayupak na mga buwaya sa ganyang halaga lalo’t blacklisted!
Parang ginagawa mong katawa -tawa ang sarili mong tanggapan, Sir! Halimbawa na lamang Sir, kung ang mga kababayan na lamang natin na nais lumabas ng bansa at kulang ang kanilang travel documents ay kapit patalim na nagbabayad ng hanggang P100K, tapos ito pa kayang mga dayuhang blacklisted?
Sir! Hindi tayo ipinanganak kahapon para maniwala sa inyong press release na inyong iniimbestigahan ang nasabing isyu, na kapalit ang halagang P150K ay nakalalabas at nakapapasok ang mga dayuhang blacklisted sa bansa .
Isa sa mga pagbabago kuno sa BI na ginawa nitong si Boying ay nang lusawin nito ang Port Operations Division ng ahensya na siyang nangangasiwa sa lahat ng mga operasyon ng immigration officers sa lahat ng airport sa bansa, at nang tinanggal ang POD ay ang Office of the Commissioner na ang humalili upang masolo, este, maiwasan na kuno ang katiwalian dito… ehem… ‘Wag sanang tamaan ng kidlat ang nagbabasa nito na taga Ocom.
Bakit kaya na sa tuwing mayroong sasabog na katiwalian sa ahensya ay tanging ang maliliit na mga tauhan lamang ang mga naparurusahan at nahaharap sa imbestigasyon? Sa tingin mo ba, Mr. Secretary Sir, ay kikilos ang mga tauhan kung walang nasa likod na mataas na opisyal? Bakit hindi mo imbestigahan kung mayroong mataas na opisyal na humihingi ng ‘Tara’ kaya’t nangyayari ang mga ganito.
Kung ang pag-uusapan ay ang pagbabago, ‘yan ay isang kwento na lamang sa isang pelikula na malabong mangyari sa tunay na buhay. Natural lamang na hangga’t nasa kapangyarihan ang mga kumag ay sasamantalahin ang pagkakataon upang magpayaman.
Ano-ano pa ba ang mga gatasan sa ahensya na madaling pinagkakakitaan dito? Ito kaya ang isa sa mga nagpapabusog sa bulsa ni ‘Tambaloslos ‘? Abangan!
298