Hulog ng langit na maituturing ang pagkakataon na personal kong makilala ang representante ng 3rd District ng Bohol na si Congresswoman Kristine Alexie B. Tutor.
Setyembre 18, 2019 noong una ko s’yang makilala sa kalagitnaan ng Joint Congress Hearing para balangkasin ang mga panukala sa pagbubuo ng Department of OFW. Personal n’ya akong kinausap upang isangguni ang problema ng isa niyang kababayan na biktima ng sexual harassment na nasa bansang Jordan.
Dahil sa kanyang pakiusap, ay agad ko itong pinatulungan kay Admin Hans Cacdac na sa loob lamang ng ilang oras ay agad na narescue ang nasabing OFW na agad na nadala sa opisina ng OWWA sa Jordan. Sa loob lamang halos ng apat na araw na pakikipag-ugnayan sa ahensya, ay napauwi na agad ang nasabing kabayani mula sa Bohol.
Dahil sa ugnayan na ito, ay naidulog ko kay Cong. Tutor ang kahilingan ng mga OFW na maipasa sa Kongreso ang mga panukala na mismong ang mga OFW at mga kinatawan ng iba’t ibang grupo ang siyang nagbalangkas ayon na rin sa kahilingan ng mga OFW.
Mabilis na sumang-ayon si Cong. Tutor na siya ang maging author ng OFW version ng panukalang batas na ngayon ay House Bill 4814 na naglalaman ng mga probisyon na ayon sa kagustuhan at kahilingan ng mga OFW.
Sakop ng bersyon ni Cong. Tutor ang pagtatayo ng Anti-Illegal Recruitment Authority (AIRA), Overseas Land-Based Tripartite Consultative Council (OLTCC), Inter-Agency Coordinating Council on Migration and Development, pagtatayo ng Global Migration Institute at Barangay OFW Councils sa buong bansa.
Ang pagtatayo ng Anti-Illegal Recruitment Authority at ng Barangay OFW Councils ang wala sa naunang house versions ng panukala na tatanggap ng mga reklamo at sumbong ng OFWs sa barangay level at pati na rin sa pangangalaga sa mga pamilya ng OFW.
Ang Barangay OFW Council ay magsisilbing advisory council na siyang direktang makikipag-ugnayan sa Barangay Council upang maisulong ang mga ordinansa at resolusyon na may kaugnayan para sa kapakanan ng mga OFW at ng mga pamilya nila. Ang Barangay OFW Council ay pamumunuan ng Barangay Chairman, at ang 6 na miyembro na mula sa hanay ng pamilya ng OFW o mga dating OFW.
Si Cong. Alexie Tutor ay anak ng isang OFW. Ang kanyang ama ay nagtrabaho bilang piyanista sa Japan, kung kaya siya mismo ay makakapag-patunay sa karanasa at damdamin ng isang anak na matagal na nawalay sa kanyang mahal na ama na OFW. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
178