REPLAY LANG

SA ika-apat na pagkakataon, muling nalagay sa kompromiso ang bayan ko, ang kalusugan mo at ang kaligtasan ng bawat Pilipino.

Dangan naman kasi, hindi ­napaghandaan ang panibagong peligro sa pag-aakalang tapos na ang delubyo. Sa pag-amin ng Department of Health (DOH) hinggil sa pagpasok ng bagong COVID-19 Omicron variant, napapaisip ang publiko – muli na naman bang ipatutupad ang paghihigpit ng pamahalaan sa galaw ng tao?

Ang sagot – posible, lalo pa’t higit na nakahahawa ang Omicron variant, ayon mismo sa resulta ng mga pag-aaral ng mga eksperto.

Ano nga ba ang posibleng mangyari sa gitna ng panibagong banta sa kalusugan ng mga Pilipino? Dapat bang asahan ang pagbabalik ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga lockdown, tigil komersyo, kanselasyon ng face-to-face classes sa mga paaralan, at iba pang polisiyang ipinatupad nitong nakaraang isang taon at walong buwan?

Sakaling piliin ng pamahalaan ang pagbabalik ng mahigpit na patakaran, kakayanin pa bang bigyan ng ayuda ang mamamayan?

Higit pa sa ayuda, nangangahulugan bang tigil trabaho rin ang mga mangga­gawa? At ang negosyo – lugmok na naman ba?

Hindi naman siguro dahil batay sa mga paunang resulta ng pagsasaliksik, bukod sa bilis nitong makahawa, hindi naman kasing bagsik ng mga naunang bersyon ng COVID-19 ang dalang peligro ng Omicron variant.

Gayunpaman, iba ang naglalaro sa utak ng mga mapagsamantala sa pamahalaan. Para sa kanila, isa na naman itong kumikitang kabuhayan. Sila ang mga klase ng tao (kung tao talaga sila) na sinasamantala ang pagkakataong makatiba sa pagdurusa ng iba.

Bakit nga naman hindi… kailangan nilang kumita nang husto dahil sa nalalapit na pagtatapos ng termino ng Pangulong naglagay sa kanila sa pwesto.

218

Related posts

Leave a Comment