OPEN LINE BOBBY RICOHERMOSO
MALAMANG na magkaproblema sa suplay ng mga kalakal at iba’t ibang produkto sa bansa kung hindi kaagad mabibigyang solusyon ang namumuong sigalot sa Philippine Ports Authority (PPA).
Ang problema ay nag-ugat sa iringan sa pagitan ng PPA management sa pamumuno ni General Manager Jay Santiago, at sa port users at stakeholders tulad ng Customs Brokers Federation of the Philippines (CBFP) at iba pang asosasyong kumikilos sa pantalan.
Umaangal kasi ang CBFP at mga kasama nila sa planong modernisasyon ng proseso sa pag-monitor at pagsubaybay sa mga truck at kargamento na pumapasok sa pantalan.
Ayon kay CBFP president Julita Lopez, kasinungalingan ang sinasabi ng PPA na ang plano nitong container tracking at monitoring system ay magreresulta sa mas mababang binabayaran mga taripa at maayos na sistema.
Sinabi ni Lopez na kabaliktaran sa gustong mangyari ng PPA, ang bagong mga regulasyon ay magreresulta sa mas mataas na mga bayarin sa kanilang hanay tulad ng service at trucking fees at marami pang iba.
Matatandaan na una nang sinabi ng PPA na sa oras na maipatupad ang Trusted Operator Program – Container Registry and Monitoring System (TOP-CRMS), tiyak na makababawas ito ng hanggang 95 porsyento sa binabayarang container deposit fees ng mga importers.
“That’s not true. The statement is misleading and far from the truth. On the contrary, the stakeholders stand to pay more due to the TOP-CRMS. As a consequence, these excessive and unnecessary additional costs will be passed onto the consumers,” sabi ni Lopez.
“What the PPA deliberately omitted is the fact that these container deposits they are trying to eliminate are refundable to importers once the container is returned to the depot,” dagdag niya .
Idiniin niya na plano ng PPA na singilin ang mga importer ng P980 per container bilang service fee bukod sa hindi pa tiyak na halaga ng insurance coverage sa sandaling maipatupad ang TOP-CRMS.
Sa ilalim ng umiiral na sistema, ang shipping lines ay inaatasang magbayad ng container deposits habang ang maintenance fee sa bawat container naman ang binabayaran ng importers.
Pagkatapos noon ang perang naideposito ay ibabalik sa mga nagbayad nito kapag naibalik na ang walang lamang container sa depot.
Sa ngayon ay may kanya-kanyang punto ang port stakeholders at ang PPA hinggil sa kung dapat o hindi dapat ipatupad ang nasabing bagong patakaran.
Pero para sa atin ay nararapat lamang na maresolba ang isyung ito na pabor sa taumbayan at hindi iyong PPA o ‘di kaya ay mga negosyante lamang ang makikinabang.
Ang nakakapag-alala kasi ay kung sakali na magkaroon ng impasse o stalemate sa pagitan ng brokers at PPA ay tiyak na magreresulta ito sa mas mataas na mga bilihin dahil sa limitadong suplay ng mga kalakal sa mga pamilihan.
At kapag nangyari ito ay tiyak na magdadagdag ito sa mataas na inflation rate na pumalo na sa 8.7% nito lamang Enero.
Kaya naman dapat lang na ngayon pa lang ay maresolba na ang isyu sa pantalan bago pa tuluyang lumala ito at magamit pa ng mga kritiko para higit pang tuligsain ang gobyerno.
