RET. POLICE, 2 PA INIREKLAMO SA PANUNUTOK NG BARIL

PUNA Ni JOEL AMONGO

PAANONG magkakaroon ng respeto sa mga awtoridad ang mga ordinaryong mamamayan kung sa kanila mismo manggagaling ang pang-aabuso?

Ang binabanggit po natin ay ang reklamo ni Marlon Robert Banez, Jr., residente ng Aguardiente, Brgy. Sta. Monica, Novaliches, Quezon City laban kay Martin Quiambao, retiradong pulis at dalawa pang kasamahan nito, ng #51 Pugong Ginto St., Aguardiente, Brgy. Sta. Monica, Novaliches, Quezon City.

Batay sa reklamo ni Banez sa Barangay Hall ng Sta. Monica, dakong alas-10:30 ng umaga noong Setyembre 9, 2022, dumating si Quiambao kasama ng dalawa pang may dalang baril (sumpak) at tubo sa harapan ng kanilang tindahan sa nabanggit na address.

Ang isang lalaki na kasama ni Quiambao na may baril ay nakatutok sa tindahan ni Banez habang galit na galit ang mga ito sa mga kawawang nagreklamo.

Sa takot ng mag-asawa ay agad na nagtungo sa Quezon City Police District Station 16 si Banez subalit ipinasa lamang siya sa Barangay Sta. Monica at baka ­maayos pa raw dahil nanganganib ang buhay nito sapagkat retiradong pulis ang kanyang ­inirereklamo na si Martin Quiambao.

Sa halip na tulungan ng mga pulis ng Station 16 ang kawawang complainant ay tinakot pa at sinabing makipag-ayos na lang sa kanyang inirereklamo dahil lalong lalaki ang problema nito kapag itinuloy ang kanyang reklamo laban kay Quiambao. Ang galing ng advise ng pulis, mabuhay kayo riyan sa Station 16!

Anong klase kayong mga pulis? Imbes na bigyan n’yo ng lakas ng loob ang complainant ay tinakot n’yo pa!?

Pinamahan ba kayo ng ugali ni Gen. Danao? Na nagmamano sa mga magulang ng nakasagasa sa kawawang guwardiya dati sa Greenhills, San Juan City.

Marahil nag-ugat ang pagsugod nila Quiambao sa bahay ni Banez dahil hindi nito mapaalis ang huli sa kinatitirikan ng ­kanilang bahay sa nasabing ­address.

Matagal nang pilit na pinaaalis ni Quiambao si Banez dahil hindi nila ito isinama sa mga ­miyembro ng kanilang ­homeowner association na siya ang dating presidente.

Ang kinaririkan ng kanilang mga bahay sa nabanggit na lugar ay hindi pa nai-aaward sa kanila kaya hanggang sa ngayon ay ­inaayos pa ito.

Marahil ang kinatitirikan ng bahay ni Banez ay naipasa na sa iba kaya pilit siyang pinaaalis ni Quiambao.

Dati kasi si Martin Quiambao ang presidente ng kanilang samahan na kalaunan ay ipinasa sa kanyang anak na si Mart Evan Quiambao.

Kawawang Marlon at Myrna Banez, wala silang kakampi, maging pulisya at iba pang nilalapitan nilang ahensiya ng gobyerno ay pinagpapasa-pasahan lang sila.

Napag-alaman ng PUNA na ito palang si Myrna Banez na asawa ni Marlon ay Person With Disability (PWD). Gen. Rodolfo Azurin, Jr., bakit ganun ang mga tauhan niyo sa Station 16 ng QCPD?

Hindi nila sinusunod ang motto ng pulisya na, “To Serve and Protect”.

O baka baliktad sir, ang kanilang pagkakaintindi, imbes na ang kanilang protektahan ay ang mamamayan na naaapi ay ang kabaro n’yo na nang-aapi ang kanilang kinakampihan. Tama ba ‘yun, general sir? Ay naku!

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

148

Related posts

Leave a Comment