RETIRED: EXTREMELY DANGEROUS

CLICKBAIT Ni JO BARLIZO

NAKALULUNGKOT naman na umabot na tayo sa punto na ‘yun mga dating nagbibigay proteksyon sa taumbayan ang siya nang kinatatakutan dahil maaaring magdulot ng karahasan.

Sabagay, matagal nang nangyayari na may sangkot na pulis o sundalo sa ilang krimen tulad ng holdapan. Pero sa takbo ng mga pangyayari kamakailan lang, walang habas na ang kanilang pagpatay.

Kaya tama lang ang aksyon ng Philippine Army na bubuo na raw ng isang dedicated counter-intelligence unit na siyang magmo-monitor sa mga dating sundalo na may special skills.

Ang sabi ni Phil. Army Spokesperson Col. Xerxes Trinidad, ang itatatag na counter-Intelligence unit ay makikipagsanib-pwersa sa Philippine National Police (PNP) upang masiguro na ang mga dating sundalo ay hindi masasangkot sa krimen.

May listahan na raw ang PA ng lahat ng kanilang tauhan na may special skills at mahalagang masubaybayan ang mga aktibidad ng mga ito partikular na ‘yung mga nasibak sa serbisyo dahil sa hindi magandang track record.

Mukhang hindi sapat ang Philippine Army Transition Assistance Program na nagbibigay ng counseling, education, training, livelihood, at legal services sa mga nagreretirong sundalo kaya kailangan pa rin ang patuloy na pagsubaybay sa kanila paglabas nila sa serbisyo.

Isa pang magandang programa, kung itutuloy ng PA ay tulungan ang mga na-discharge na sundalo para makapag-adjust sa kanilang buhay-sibilyan.

Mainam na mabigyan ng tamang benepisyo ang mga sundalo at pulis para hindi na matuksong pumasok sa gun-for-hire at iba pang crime group para doon gamitin ang kanilang galing at talento na hinubog sa panahon ng kanilang serbisyo.

Pero ang higit na dapat pagtuunan ng pansin ay iyong mga nasa serbisyo pa ay gumagawa na ng hindi tama dahil sila iyong mga posibleng maging talamak na kriminal sa sandaling tumalikod na sa kanilang sinumpaang tungkulin.

Sabi nga sa pelikulang RED ni Bruce Willis: “Still armed. Still dangerous. Still got it.” Kaya bantayan n’yo silang mabuti.

Usapang marites sa Senado?

Kinumpirma ni Senate President Migz Zubiri nitong nakalipas na linggo na may planong patalsikin siya bilang lider ng Senado.

Ang nakarating daw sa kanyang impormasyon, may kaugnayan daw ito sa kanyang posisyon sa isinusulong na Charter change at “lack of productivity”.

Pero ang kanyang mga kasamahan tulad nina Sens. Grace Poe, JV Ejercito at Win Gatchalian ay pinabubulaanan ang balita.

Ang paglalarawan ni Poe kay Zubiri ay “…one of the most progressive, hardworking and unifying Senate Presidents.”

Siniguro rin nina Ejercito at Gatchalian na mayorya sa kanila ay suportado si Zubiri.

Ganun naman pala, so saan nanggaling ang isyu na patatalsikin si Zubiri? ‘Di kaya kwentong marites lang ‘to?

Kung ang mga netizen ang tatanungin, pabor silang mapatalsik si Zubiri, masyado raw kasing palapad ng papel kay BBM. Pero may isa lang silang request, ‘yun ipapalit ay huwag naman daw sanang si Mark Villar. Hanggang ngayon kasi si Mark… tahimik lang!

210

Related posts

Leave a Comment