REV-ANCHOR PAMALIT SA REV-GOV

PUNA

POSIBLE raw ipalit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Revolutionary Ancestral Honor Recognition (Rev-AncHoR) sa Revolutionary Government (Rev-Gov) sa ilalim ng 1899 Constitution.

Sinabi ito ni Atty. Melchor Magdamo sa inyong lingkod nang siya ay kapanayamin kaugnay sa revolutionary government.

Sa paliwanag ni Atty. Magdamo, ang 1899 Constitution na tinawag Revolutionary Constitution ay ginawa ng mga tunay na Pilipino na namuhunan at nagbigas ng sariling dugo at pawis upang mapagtagumpayan ng lahi ni Juan dela Cruz ang pagtatatag nito.

Ayon sa ating kaibigang manananggol, kailangan lang daw ni Pangulong Duterte na kilalanin/dakilain ang mga gumawa nito tulad nang pagkilala at pagdakila niya sa kanyang ina at ma­ging sa kanyang anak na si Mayor Sara Duterte-Carpio alyas ‘Inday’.

Sabi ni Atty. Magdamo, sa Rev-AncHoR ay mapapadali at hindi magiging madugo ang nais ni ­Pa­ngulong Duterte na tunay na pagbabago sapagkat ito ay legal at mula sa 1899 Constitution na talagang sariling atin.

Paliwanag nga ng ating amigo, malaki ang kaibahan ng 1899 Constitution na inuulit ng PUNA na sariling atin kumpara sa Saligang Batas noong 1935 na inakda ni Uncle Sam o ng United States government habang ang 1943 ay mga Hapon ang gumawa at ang 1987 Constitution na nalikha noong panahon ni dating Pangulong Cory Aquino ay sobrang pumabor sa mga katulad niyang nasa oligarkiya.

Sa paliwanag ni Kum­panyerong Melchor, ang 1899 Constitution ay hindi pa nari-repeal na ang ibig sabihin ay nananatiling buhay na magiging kasagutan sa kagustuhan ni Presidente Duterte na maging federal government ang a­ting pamahalaan.

Malinaw sa sinabi ng ating abogado na kapag natuloy ang Rev-AncHoR maaaring i-appoint ni Pa­ngulong Duterte ang kalahati ng kanyang mga opisyales at ang kalahati ay isailalim sa eleksyon.

Iginiit pa nito na kapag umiral ang ganitong sistema hihina ang mga oligarkiya tulad sa Switzerland simula ng maging federal sila ay gumanda ang takbo ng kanilang gobyerno. Kung hindi naman daw ito gagawin ni Pangulong Duterte, ay pwedeng taumbayan ang gumawa ng Rev-AncHoR.

Sabi nga niya, mas maganda kung si Pangulong Duterte ang gagawa nito para mas madali. Pabor sa mga kongresista ang Rev-AncHoR dahil magi­ging 4 years ang kanilang termino.

Pero kailangang kumilos na ang administrasyon dahil maraming pabor naman sa nais ng pangulo na gawing federal form of government ang Pilipinas.

Para rin sa inyong lingkod, pabor ako sa nais ni Atty. Magdamo. Ayon nga sa kanya “kung hindi nga­yon, kelan at sino ang kikilos?”. Naikumpara tuloy ng PUNA ang ating manananggol sa Bulkang Taas sa kanyang mga isinambulat.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@yahoo.com. (PUNA / JOEL AMONGO)

175

Related posts

Leave a Comment