ROMUALDEZ SUMISIPSIP NA NGA BA SA US PARA SA AMBISYON SA 2028?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

LUMUTANG at bigla na lang ding nawala ang isyu ng tumataginting na $2 million na donasyon daw ni House Speaker Martin Romualdez sa pamosong Harvard University sa Amerika.

Hindi inamin at hindi rin itinanggi ni Romualdez ang issue.

Ang sabi, tulong iyon ni Speaker para sa pagtuturo ng Filipino language sa nasabing unibersidad.

Maging ang Harvard ay tikom ang bibig sa issue. Ang tugon lamang nito sa mga nagtanong, “We do not discuss the terms or specifics of individual gifts”.

Marami ang tumaas ang kilay dahil hindi birong halaga ang donasyon ni Speaker.

Sa dami ng mga problemadong eskwelahan sa Pilipinas, bakit sa mayamang Amerika siya nag-donate?

Iyon kayang University of the Philippines Tacloban College na nasa kanya mismong lalawigan ay naambunan na rin ng dambuhalang grasya mula kay Speaker?

Hindi ba niya nakikita ang mga batang Pinoy na kinakailangan pang maglambitin sa lubid para makatawid sa ilog at makapasok sa paaralan?

Palaisipan nga ang motibo ni Romualdez sa pagdo-donate sa Harvard kaya marami tuloy ang nag-iisip na hindi kaya nagsisimula na siyang suyuin ang Amerika kaugnay ng kanyang planong pagtakbo sa presidential election sa 2028?

Sabagay, iba na ang sigurista.

o0o

ANG ‘TAYUTAY’ NI BATO

Kumapit si Sen. Bato dela Rosa sa ‘figure of speech’ para ipagtanggol ang espesyal na dating amo, o amo pa rin ngayon, na si dating pangulong Rodrigo Duterte.

Kasi ba naman, sa kadedepensa ni Tatay kay Inday, umabot ito sa pagbabanta umano kay ACT Teachers Rep. France Castro.

Agad namang dinepensahan ni Bato si RD. Sobrang loyal ng senador na hindi na ata naghintay na pitikin para sumaklolo.

Ito na nga ang palusot ni Bato. ‘Figure of speech’ lang ang pahayag ni RD. Hindi murder ang ibig sabihin.

Teka, anong klaseng tayutay ba ginamit – pagtutulad o pagwawangis?

Naku, gagawin pang katwiran ang ‘figure of speech’ para sa depensa.

‘Pag kritiko ang nagsalita, mag-iinit ang tumbong ng balat sibuyas na mambabatas. Tapos pag galing sa kanila, irarason ang tayutay.

Kung palusot ni Bato ang ‘figure of speech’ bilang depensa sa dating presidente, may palusot din si Senate Committee on Finance Chairperson Sonny Angara sa confidential at intelligence fund ng Office of the President.

Lusot na sa Senate Finance Committee ang 2024 budget ng OP na aabot sa P10.7 bilyon, kabilang na ang mahigit P4 bilyong confidential and intelligence funds.

Nakakalula sa laki, pero ang depensa ni Angara:

‘PRESIDENTE ‘YAN EH, ‘DI BA?’

Kailangan daw ibigay sa OP ang kailangang CIF na P4.5 billion.

Tila nangongonsensya ang tanong niya na gusto ba nating pilayan ‘yung presidente kapag sinabi niyang kailangan ‘yan.

Bakit kailangan ang ilang bilyong pisong CIF, gayung may kontrol naman ang Pangulo sa mga ahensiyang nakatalaga sa pambansang seguridad. Nariyan ang mga ‘yan kapag kailangan.
Tila wala na ring saysay ang congressional oversight ngayon.

154

Related posts

Leave a Comment