MALAPIT nang ipagdiwang ang Araw ng Paggawa na iniuukol sa pagpapahalaga sa mga manggagawa, ngunit sa halip na pananabik ang nararamdaman ng mga obrero sa espesyal na araw na ito ay nakakainip na paghihintay ng aksyon sa hinihingi nilang umento sa sahod ang nangingibabaw.
Kailangan muling kalampagin ang mga kinauukulan para sa dagdag-sahod kaya naghain si TUCP Party-list Representative at House Deputy Speaker Raymond Democrito Mendoza ng House Bill (HB) No. 7871 o ang Wage Recovery Act of 2023 na naglalayong ipatupad ang Across the board wage recovery na P150 umento sa arawang sahod ng mga empleyado ng pribadong sektor.
Sa nasabing panukala, iginiit ng mambabatas na dagdagan ng P150 ang minimum wage sa lahat ng mga manggagawa sa buong bansa.
Mas mababa ito sa P750 umento sa arawang sahod ng mga manggagawa sa buong bansa na isinusulong ng Makabayan Bloc sa Kamara sa pamamagitan ng kanilang House Bill (HB) 7658.
Ayon kay Mendoza, noon pang huling bahagi ng nagdaang taon ang panawagan ng TUCP sa wage boards na bigyan ng atensyon ang numinipis na tunay na halaga ng sahod sanhi ng tumataas na inflation, ngunit wala itong nakikitang tugon.
Balanseng pagtalakay at pagtimbang sa implikasyon, epekto at kahihinatnan ng umento sa sahod ang dapat pairalin ng pamahalaan. Maaaring magdesisyon para sa kapakanan ng mga manggagawa nang hindi malalagay sa kompromiso ang mga may-ari ng negosyo, partikular ang small at medium na kompanya.
Kaso, nagtatagal ang desisyon dahil walang matibay na plano o nagbibingi-bingihan ang nasa puwesto.
Panawagan ng Gabriela, huwag dedmahin ang umento sa sahod, at ito ang dapat na prayoridad ng gobyerno.
Hinikayat naman ng isang mambabatas si President Ferdinand Marcos, Jr. na sertipikahan bilang urgent ang umento sa sahod para sa mga guro ng pampubliko at pribadong paaralan, at mga kawani ng pamahalaan para mapag-usapan.
May malasakit at pagmamahal ba si Marcos, Jr. sa mga obrero at empleyado? Akma at napapanahong regalo niya ito sa mga manggagawa ngayong Labor Day.
Mahigit 50 bills na ang naihain para itaas ang sweldo ng mga guro.
Sana, hindi na budol abutin ng mga umaasa.
Ang araw ng mga manggagawa ay pagkilala at pagpupugay sa kanilang nagagawa sa pag-asenso ng bansa.
Pagkilala at pagpupugay, ngunit kulang sa kalinga.
