EDITORIAL
SA makikitang P45 kada kilo sa ilang pamilihan sa Metro Manila, tila tinotoo ng gobyerno ang pangakong ibaba ang presyo ng bigas para sa mamamayan.
Sa mga pag-iikot ng mga kongresista sa ilang pamilihan, totoong ganyan ang presyong tumambad sa mga pamilihan.
Sa Mega Q Mart sa Quezon City, pinakamura ang P45 kada kilo na mabibiling well-milled rice.
Gayunman, tila limitado pa lamang ang pagbebenta. Ayon sa mga ito, tatlong linggo pa lamang ang mga bigas sa merkado.
Tatlo hanggang limang kilo lang ang maaaring bilhin ng bawat mamimili.
Ayon sa may-ari ng isang bigasan, dahil sa limitadong supply ay limitado rin ang kanilang pagbenta. Hindi rin umano maaaring bumili ng maramihang kilo ang mamimili.
Ito rin ay depende sa dating ng supply na ipinagdarasal ng mga may-ari ng bigasan, na pangmatagalan na ito.
Sa ganitong kaganapan, ang magagawa lang ng mamamayan ay magdasal na sana ay magtagal pa ang pagbaba ng presyo ng bigas. Na baka paasa lang ang gobyerno at kung kailan sanay na ay saka naman babawiin na naman at aariba ang alibi na muling pagtaas ng taripa at iba pang problemang kaakibat nito.
Sa kanyang panig, sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na pababa nang pababa ang presyo ng bigas at ito umano ay dahil sa walang humpay na pagtrabaho ng gobyerno para sa mamamayan at sana ay deretso na ito hanggang mag-Pasko.
“Yung nakita po namin dito na factor, ‘yung pagbaba po ng taripa from 35 percent to 15 percent. So natutuwa po ‘yung mga retailer natin saka yung mga consumer natin,” ayon naman kay Orly Manuntag ng PRISM na ang tinutukoy ay ang Executive Order No. 62 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hunyo 20, na epektibong nagpababa ng taripa sa mga imported na bigas.
Ngayong mas ibinaba ang presyo ng imported na bigas, isang malaking katanungan kung ano na ang kahihinatnan ng lokal na mga magsasaka na literal na nagkakandakuba para sa kakarampot na kita.
Mas pinaboran nga ba ng sitwasyon ang imported na bigas kumpara sa mga kababayan? Tiyak na apektado na naman ang kikitain ng mga ito na barya-barya na lang dahil sa pag-angkat ng bigas mula sa iba’t ibang bansa.
51