SA PAMUMUNO NI GOV. HELEN TAN LALO PANG AANGAT ANG QUEZON PROVINCE!

SABONG ON AIR Ni Ka Rex Cayanong

TIYAK na lalo pang aangat ang lalawigan ng Quezon sa ilalim ng pamumuno ni Gov. Helen Tan.

Pinagtutuunan ng pansin ngayon ni Tan ang pagsuporta sa mga negosyo.

“Sinuong natin ang maputik na palayan at malalim na ilog upang mabisita ang Dairy Farm sa Barangay Bagong Silang, Guinayangan Quezon. Kasama ang mga kawani ng Quezon Provincial Agriculture, tiningnan natin ang kalagayan ng lumalagong dairy farm na ito,” wika ni Tan.

Sinasabing batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas ng 9.5 percent ang local milk production ng ating bansa mula 2019 hanggang 2020.

Nabatid na buhat sa dating 24.38 million liters ay naging 26.71 million liters na ito.

Nabatid na ito dulot na rin daw ng mga nadagdag sa bilang ng dairy animals tulad ng mga baka, buffalo, at kambing.

“Dahil tayo ay nasa agrikultural na probinsya, nakikita natin ang malaking potensyal at magandang oportunidad na maaaring idulot sa atin ng dairy farming. Isang halimbawa ang lumalagong Dairy Farm sa Barangay Bagong Silang,” sabi ng gobernadora.

Ayon kay Tan, maaari itong palaganapin sa buong probinsya upang madagdagan ang kabuhayan ng mga mamamayan.

Makatutulong aniya ito sa pagpapasigla ng ekonomiya at sa lalo pang paglago ng ating sektor ng agrikultura.

Kamakailan, binisita rin ni Tan ang Philippine Coconut Authority ng Region IV-A sa pangunguna ni Regional Director III, Bibiano Concibido Jr.

Inilahad ng ahensya kay Tan ang Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDF) na bahagi ng utilization at implementation ng RA 11524 o ang Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act.

Napag-alaman na sa nilalaman ng CFIDF, nakita ng gobernadora ang magagandang oportunidad para sa lalong ikauunlad ng ating agrikultura lalo pa’t kalakip nito ang mga tuloy-tuloy na plano tulad ng coconut-cacao at coconut-coffee intercropping projects.

“Ang ating probinsya ang isa sa mga top coconut producing provinces sa buong bansa at target natin katuwang ang PCA na gawing globally competitive at market-driven ang industriya ng niyog sa Quezon,” dagdag pa ni Tan.

Aba’y suportado po natin ang mga adhikain, programa at proyekto ni Tan.

Siguradong susuportahan din ito ng ating mga kababayan sa Quezon.

Hindi magtatagal, lalo pang uunlad ang lalawigan.

Mabuhay po kayo at God bless!

11

Related posts

Leave a Comment