DPA NI BERNARD TAGUINOD
IPINAGSISIGAWAN ng mga senador na “galit na sila!” sa pambabalahura ng China sa mga Filipino sa West Philippine Sea (WPS) kaya nagpasa na sila ng resolusyon na kumokondena sa ginagawa ng mga Instik sa ating teritoryo.
Sa wakas, nagising na rin sa mahimbing na pagkakatulog ang mga senador natin. Pero masyadong mahaba ang itinulog nila dahil 2012 pa binabastos at binabalahura ng China ang ating mga puwersa sa WPS, ngayon lang sila naalimpungatan.
Tulog-mantika rin ang Senado sa nakaraang anim na taon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at alam nila na ninanakawan tayo ng mga mangingisdang Instik ng lamang dagat sa WPS ay hindi sila nagising.
Baka siguro inaakala ng mga senador na bahagi pa rin ng kanilang “bad dream” ang pangha-harass at pagpapatayo ng Peoples Liberation Army (PLA) ni Chinese President Xi Jinping ng military garrison sa WPS kaya hindi sila kumibo.
Siguro inakala nila na paggising nila, eh, normal na normal ang sitwasyon sa WPS at hindi totoo na daan-daan at malalaking barko ng China ang sabay-sabay na nangingisda sa ating teritoryo.
Siguro inakala rin nila na hindi totoo na nagtatayo ng siyudad ang China sa ating mga teritoryo sa WPS at bahagi pa rin ng kanilang mahabang pagkakatulog ang lalo na noong panahon ni Digong pero pagkagising nila ay totoo pala ang kanilang panaginip.
Buti na lang, nagkaroon ng agawan ng mga debris ng rocket ng China sa bahagi ng PAG-ASA island kaya sa wakas ay nagising ang mga senador sa mahimbing nilang pagkakatulog. Siguro nabulabog ng insidenteng ito ang kanilang pagkakatulog kaya nang maalimpungatan ay ‘nagalit sila’.
Pero ika nga ng kasabihan, better late than never ang galit ng mga senador dahil sa wakas ay naiparamdam nila sa China ang labis na pagkadismaya ng mga Filipino sa kanilang pambabalasubas sa atin sa loob ng ating teritoryo.
Hindi na dapat pagkatiwalaan ang mga lider ng China dahil iba ang sinasabi nila sa ginagawa ng kanilang mga tauhan. Nakagagalit lang na sabihin na nagkaroon ng ‘friendly confrontation’ sa agawan ng debris’ na malayo sa katotohanan.
Panahon na talaga para manindigan ang mga lider ng ating bansa at ipagtanggol ang bawal dangkal ng ating teritoryo dahil ‘yun ang sinumpaan nilang tungkulin sa sambayanang Filipino.
Kung hahayaan ng ating mga lider ang panggagago ng China sa atin sa WPS ay lalong hindi natin mababawi ang mga teritoryong inagaw na ni Xi Jinping sa mga Filipino nang walang kahirap-hirap. Idinaan na ng Pilipinas sa diplomasya ang problema sa pamamagitan ng sangkaterbang ‘diplomatic protest’ pero itinapon lang ng China sa kanilang basurahan dahil ang nasa isip nila, wala naman tayong panlaban sa kanilang puwersa at hindi naman pumapalag ang mga lider natin.Pero dapat ipatupad din ng United Nation (UN) ang kanilang desisyon na ang lahat ng inokupahan ng China na teritoryo sa WPS ay pag-aari ng Pilipinas. Walang kwenta ang desisyong iyan kung hindi ipatupad at lalong walang kwenta kung hahayaan naman ng mga lider natin ang panggagago nila sa atin.
