SAAN AABOT ANG 1K?

PARA sa ‘poorest of the poor’ ang ikinakasang panibagong 1K ayuda vs inflation.

Na naman?

Kinokonsidera ng gob­yerno ang paglulunsad ng isa pang cash aid sa ilalim ng Targeted Cash Transfer (TCT) program upang makatulong sa mga consumer laban sa mataas na inflation rate.

Sinabi ni Diokno na ilulunsad agad ang programa kapag natukoy ng gobyerno kung saan kukunin ang pondo. Hinihintay na lang ang anunsyo ng Malacañang.

Nasa 9.3 million “poorest of the poor” ang tatanggap ng P1,000, na bibiyakin para ipamahagi ng dalawang buwan. Nagkakahalaga ang programa ng P9.3 bilyon at dagdag na 5% administration cost.

Ano ang sukatan ng pamahalaan sa pagdetermina ng pinakamahirap sa mahirap? Sa batayan na ito nagkakagulo ang publiko.

Hindi lahat ng kumakayod ay may kapasidad na labanan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Kailangan tukuyin kung paano mapapabilang ang indibidwal sa poorest of the poor.

Kinasanayan na rin ng gobyerno na magbigay ng pansamantalang solusyon na isang iglap ang pitik-ginhawang tikim.

Marami uli ang madadale at madadala, ngingiti sa galak at ngingiwi sa asar.

Wala naman kasing pagbabago sa sistema ng pagtukoy ng akmang benepisaryo. Kung mawawala ang palakasan, koneksyon at lukso ng dugo ay makatitiyak na ang mabibigyan ay ang talagang mas nangangailangan.

Saka, sa halagang 1K? Kakapiranggot at hindi alam kung gaano kalapit ang mararating nito. Sabagay, mabuti na rin kaysa wala.

Pero, ang tiyak, sasabay rin sa mataas na inflation ang pagsulak ng tensyon at pagtaas ng presyon ng dugo.

33

Related posts

Leave a Comment