SAAN DUMAAN SI ALICE GUO? BOW!

BISTADOR ni RUDY SIM

ISANG pagsabog ang isiniwalat ni Committee on Women, Children and Family Relations Chairman, Senadora Risa Hontiveros tungkol sa pagtakas sa bansa ni former Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo. Si Guo na siyang nagsisilbing numero unong pugante ngayon sa bansa, ang itinuturo na mastermind and founder ng dalawang naglalakihang POGO diyan sa Porac, Pampanga, at Bamban, Tarlac na kasalukuyan ngayong iniimbestigahan ng Senado.

Sa isang datos na ipinalabas ng senadora, sinasabi roon na nakalabas ng bansa kinagabihan ng July 17 si Guo, at naitala naman na dumaan ito sa Malaysian Immigration noong sumunod na araw, July 18.

Kung ito man ay positibo, malaki ang pananagutan ng ating law enforcers partikular ang Bureau of Immigration na siyang itinuturing na pangunahing “gatekeepers” ng bansa!

Ano ang masasabi mo rito, BI Commissioner Tansingco?

Kung inyong sasabihin na maaaring dumaan sa backdoor si Guo, ano ang silbi ng pagkakaroon ng inyong Border Crossing Station Officers kung hindi n’yo naman kayang bantayan ang puganteng gaya ni Guo? Paano pa ‘yung iba pang mga pusakal na kriminal?

Hindi pa malinaw kung saan talaga dumaan ang dating mayor ng Bamban, Tarlac ngunit maliwanag pa sa sikat ng araw na may malaking kapabayaan na naganap sa pagpuga na ito ni Guo.

Hindi rin malayo na may mga personalidad diyan sa ahensya ng BI na nag-facilitate upang ito ay makatakas.

At kung sasabihin naman na wala sa datos ng Immigration na ito ay dumaan sa airport, so posible na gumamit ng private plane or dumaan sa special flight si Mayora!

Ayon sa nakaraang pandinig sa Senado, mariin pang pinagdiinan ni BI Legal Officer Atty. Homer Arellano na nasa bansa pa hanggang sa mga oras na ito si Guo. Anyare?

Well, hindi dapat palampasin nina Senate President Chiz Escudero at Senadora Risa ang kalapastanganan na ito. Hindi lang pinagmukhang ulaga ni Alice Guo ang buong sambayanan kundi malaking sampal din ito sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos!

Isipin n’yo, si VP Sara Duterte nga noong umalis, dali-dali kayo nakapag-produce ng CCTV footage sa airport pero itong si Alice Guo, natakasan kayo!

Magkano naman kaya ang TF ng gumawa nito? 9 digits kaya?

DOJ Secretary Boying Remulla, for sure magkakaroon ng masusing pananaliksik ang inyong departamento tungkol sa paglaho na ito ni Alice Guo pero hindi ba dapat na hilingin mo muna na magbakasyon sa kanyang pwesto si Commissioner Tansingco para walang magiging “whitewash” sa inyong gagawing imbestigasyon?

Disgraceful Exit ang tawag diyan, Comm!

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

72

Related posts

Leave a Comment