SABLAY ANG LTO

PALAGING sinusubok ang pagiging matiisin ng mga Pilipino. Nakasalba sa kakulangan ng itlog, asukal, sibuyas at ibang produkto. Muntik nang kapusin sa suplay ng bigas, na sapat naman daw.

Ngayon, plastic cards naman ang kulang kaya iisyuhan muna ng temporary printed driver license ng Land Transportation Office (LTO) ang mga motoristang kukuha at magre-renew ng lisensiya.

Sa madaling sabi, lisensiyang papel ang ibibigay sa mga motorista.

Ayon kay LTO chief Jay Art Tugade, ang plastic cards na available ay tatagal lamang ng hanggang katapusan ng buwan ng Abril. Halos 30,000 cards kada araw ang iniisyu na driver’s license ng LTO.

May pakonswelong hakbang ang LTO. Pinalawig nito ang bisa ng driver’s license na mag-eexpire simula Abril 24. Pinalawig ang bisa ng hanggang Oktubre 31 o sa sandaling matapos na ang procurement ng license cards. Wala nang multa sa nahuling renewal. Mayroong QR code ang printed official receipt na mapatotohanan ng mga traffic enforcer sakaling manghuhuli sila ng lumalabag sa batas-trapiko.

Gaya ng amo, gumawa ng problema ang ahensya para kunyari ay may gagawing solusyon para ipakita na makabuluhan ang opisina sa pagtugon at pagbibigay ng atensyon para sa kapakanan ng mga motorista.

Pero hindi inisip ang abala sa mga motorista dahil kulang sa plano ang ahensiya.

Uso rin lang ang forecast na inaari nang achievement gayung pagtataya lamang ito sa kung ano ang kahihinatnan, bakit hindi ito pinagana ng ahensya ng transportasyon? Naiwasan sana ang aberya.

Ang kakulangan ng plastic cards ay baka produkto ng kapos na pananaw, ‘di kaya?

Palagi, mga tao ang pinahihirapan ng hindi kasapatan na pangangasiwa ng pamahalaan. Sino ngayon ang sagabal at gumagambala sa maayos na daloy ng iba’t ibang kaganapan, transaksyon, benepisyo at serbisyo para sa mga indibidwal?

Nasanay na ang pamahalaan sa pagpapahirap sa mga tao.

Sa gitna ng pagtitipid, may nagsasayang naman ng pera sa gobyerno.

Ang mga tao, na hindi na magkandaugaga kung paano pagkasyahin ang nasa bulsa ay lalo pang napapasubo sa hindi ginustong gastusin.

Tiis na lang palagi ang mga pobreng Pinoy.

‘Yung papel na ginagamit na pansamantalang driver’s license ay ginastusan din. Sayang, pero huwag namang sabihin na nandiyan na ‘yan?

Sana, ‘yung mataas na survey ng mga nanunungkulan ang dapat bawasan, hindi ang kakulangan ng serbisyo ng pamahalaan.

Hindi naman kailangan ang mataas na survey sa pagpaplano ng paggawa ng mga polisiya sa ikabubuti ng sambayanan.

Ano ang kaaya-ayang saloobin mo kung ang iyong lisensiya ay nasa kapirasong papel?

141

Related posts

Leave a Comment