SABLAY SI VINCE SA DOTr

UMAANGAL ang ­maraming empleyado ng Department of Transportation dahil sa umuugong na balita na plano umanong kunin ni ­incoming President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, bilang miyembro ng kanyang gabinete si Bases Conversion and Development Authority (BCDA) president at CEO Vince Dizon, bilang susunod na ka­lihim ng Department of Transportation (DOTr).

Ilan sa mga kawani ng DOTr ang nagsabi na marami naman ang mas karapat-dapat na maaaring mamuno sa kagawaran kesa kay Dizon na anila ay may kaduda-dudang record at ilang beses na ring nasangkot sa mga anomalya at kontrobersya.

Maging ang anti-corruption watchdog na Filipino League and Advocates of Good ­Governance (FLAGG) ay nag­pahayag na rin ng pagtutol sakali man na totoo ang si­nasabing appointment ni Dizon.

Anila, maraming mas epektibo, magagaling at hindi korap na lider ang maaaring makatuwang ng papasok na Marcos administration kaysa kumuha ng mga taong batbat ng intriga na tulad ni Dizon.

Nagbigay ng pahayag ang FLAGG matapos ipamalita umano mismo ni Vince na siya ang papalit kay incumbent DOTr Secretary Arturo Tugade.

Anila pa, ibinibida ni Dizon na ang padrino niya sa kampo ni Marcos ay ang business tycoon na si Enrique ‘Ricky’ Razon na isa sa supporter ni BBM kaya hindi niya maaaring tanggihan ang multi-billionaire na negosyante.

Para sa atin ay dapat bigyang pansin din ni BBM ang mga obserbasyong ganito na galing sa mga concerned na mamamayan.

Masasabi kasing objective naman ang kanilang mga opinyon sapagkat wala naman silang itinutulak na ibang pangalan sa halip ay gusto lang nilang protektahan ang papasok na administrasyon ni BBM.

Importante naman talaga na may integridad at hindi nababalot ng kontrobersya ang mga taong ilalagay niya sa mga posisyon.

Depende rin kasi sa kalidad at integridad ng mga miyembro ng gabinete dahil sila ang titingnan ng local at foreign investors kung magiging ligtas at maayos ba na maglagak ng kanilang puhunan sa bansa.

Kaya dapat maging ­ma­ingat ang mga nasa selection at screening committee kaugnay ng mga personalidad na ilalagay nila sa puwesto dahil isang pagkakamali lang ay maaaring ikapahamak ito ng gobyernong Marcos.

Wala namang problema kung kumuha ng taga ibang kampo si BBM upang makatuwang niya sa gabinete dahil iyon ang tunay na diwa ng panawagan nitong pagkakaisa.

Kaya lang, dapat ay mayroon tamang panuntunan at batayan, higit lalo kung ang isang personalidad ay may kaakibat na kontrobersiya kaya siguro dapat pag-isipan muna nilang mabuti kung sino ilalagay sa mga sensitibong puwesto.

Nakatingin sa ating bansa ang mundo kaya importante na maipakita natin na talagang desidido tayong bumangon mula sa kahirapan patungo sa pagbabago at kaunlaran.

Related posts

Leave a Comment