SALPUKAN NG GAMBLING LORDS

AGRESIBONG-agresibo ang mga gambling lord na palawakin ang saklaw ng kanilang iligal na negosyong nakakubli sa likod ng mga prangkisa at permit mula sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan.

Sa tindi ng gitgitang pakay ang kontrol sa malalaking lalawigan, sukdulang magpatayan na ang dalawang kilalang personalidad na kapwa kilala sa larangan ng jueteng noong araw pa.

Sa pamamayagpag ng internet, kapwa nila nakita ang potensyal ng negosyong malayo sa nakagawian.

Ang jueteng, ‘di pa mawari kung kanila nang binitawan bagama’t kapwa sila naggigirian sa teritoryo para sa kanilang e-sabong.

Kung ang pagbabatayan ay ang mga dokumentong kalakip ng kanilang operasyon, iisipin mong legal ang kanilang online sabong. Lingid sa marami, tila matabang ang reglamento sa pasugal na bukas maging sa kabataan – basta may cellphone, pasok sa bisyong sukdulang nag­lugmok sa ‘di lang iilang Pilipino, nagwasak ng pamilya, nagpabagsak ng maunlad na negosyo at sumira ng kabataang nalulong sa pagtaya sa kanilang e-sabong.

Sa totoo lang, tila ­iki­natuwa pa nila ang ­pandemyang tumama sa ­ating bansa. Dangan naman kasi, sa mga sabungan ay bawal ang mga bata, sa kanilang online ­ruweda, ngayon ay pwede na.

Ang nakakalungkot pa rito, tila tuwang-tuwa pa ang pamahalaan sa pumapasok na ganansya – sa buwis at sa mga bulsa ng mga kunsintidor na pinagpala.

Hindi isang haka-haka ang aking sapantaha dahil ako mismo’y hinimok na tulungan ang isa sa kanila para makapasok sa lalawigan kung saan ako nagmula.

Inanyayahan ako sa isang kilalang hotel sa lungsod ng Maynila. Doon ko dinatnan ang dating heneral na kilalang malapit sa isang kandidato sa posisyon ng Pangulo. Ayon sa sugong kumausap sa akin, malaking gantimpala ang para sa akin kung sa aming lalawigan sila’y papasukin. Tanong ko naman – bakit ako?

Anila, ako’y isang per­yodista at ‘di makukuhang ­tanggihan kung ako mismo ang magdadala sa kanila. Kasabay nito, ako’y pinakitaan ng kwenta – sa bawat taya, anila, ako’y may ganansya. Gayundin ang gobernador, mayor at mga kapitan ng barangay.

Nakakatakam lalo pa’t ‘di naman kalakihan ang kita ng isang tulad kong peryodista. Kaya lang, nagkamali sila ng kinausap. Hindi ako malinis pero ang sigurado ‘di ko

nanaising malulong ang mga kabataan sa kanilang lintek na e-sabong.

94

Related posts

Leave a Comment