Puno ng dalamhati ang Bayan Muna Party-list sa pagpanaw ni Joel “JV” Virador, 52, dating kinatawan ng Bayan Muna sa ika-13 Kongreso. Siya ay pumanaw mula sa matinding sakit na papillary carcinoma.
Matagal na aktibista at tagapagtanggol ng karapatang pantao si JV bago pa man siya naging kinatawan sa Kongreso. Mula pa lamang nang siya ay estudyante sa kolehiyo, siya ay naging bahagi ng League of Filipino Students. Dito niya sinimulan ang tuluy-tuloy niyang paglilingkod sa mga aping sektor sa ating lipunan, partikular sa Mindanao, kung saan siya ipinanganak at lumaki.
Marahil pinakakilala si JV sa kanyang pagiging human rights worker. Nang matapos siya ng pag-aaral mula sa Notre Dame of Kidapawan, siya ay lumahok sa mga organisasyon na nagtatanggol ng karapatang pantao. Bahagi siya ng pagtatayo ng Karapatan Alliance for People’s Rights o KARAPATAN at naging Secretary General ng KARAPATAN-Southern Mindanao Region.
Ang kanyang walang pagod na pagsisilbi sa mamamayang api ay nagbunsod ng kanyang nominasyon upang maging kinatawan sa ilalim ng Bayan Muna Party-list. Sa loob ng Kongreso ay naging boses siya ng mahihirap at api. Siya ay partikular na naaalala bilang boses ng Mindanao na naglantad sa mga paglabag sa karapatang pantao at soberanya sa panahon ng Balikatan Exercises sa Mindanao. Bilang human rights defender, isa rin siya sa may akda ng Anti-Torture Bill na kalaunan ay naging batas.
Noong taong 2006 ay dinakip si JV at iba pang miyembro ng Makabayan bloc na sina Satur Ocampo, Liza Maza, Teddy Casiño, Ka Paeng Mariano, at ang yumaong Ka Crispin Beltran sa gawa-gawang kaso na rebelyon. Ang kaso sa Batasan 6, na tinaguri sa kanila, ay kalaunan ay ibinasura ng Korte Suprema.
Pagkatapos niyang maging kinatawan sa Kongreso ay muling bumalik si JV sa kilusan ng mamamayan bilang Regional Chair for Federation Affairs ng Kilusang Mayo Uno-Southern Mindanao Region (KMU-SMR.) Ang kanyang huling lakas at pagkilos ay inialay niya sa kilusang paggawa.
Tunay na kahanga-hanga ang buhay ni Ka Joel Virador. Kami ay nagpupugay sa kanyang buhay na inialay nang buo sa mamamayan! (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
95