SANA ALL

DPA ni BERNARD TAGUINOD

BIGLANG umandar ang Ethics Committee sa Kamara na isa sa mga komite na walang trabaho, as in walang ginagawa dahil ang tanging tungkulin nito ay disiplinahin ang kanilang mga miyembro.

Sa pagkakatanda ko, bihira kung mag-meeting ang komiteng ito at kung mag-meeting man ay hindi bukas sa publiko at parating executive session kaya hindi nalalaman ng mga tao kung paano sila magtrabaho.

Pwede nilang ikatuwiran na wala namang nagrereklamo sa mga congressman kaya wala silang trabaho at pinagdedesisyunan pero ngayon ay biglang umandar dahil kay Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr.

Hindi sa ipinagtatanggol ko dito si Teves pero biglang gumana ang komiteng ito at ngayong 19th Congress ay biglang nag-motu propio investigation sila para pag-usapan kung anong dapat gawin sa kongresista na idinadawit sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

Pero magiging precedent na ang aksyong ito ng komite na kahit walang magreklamo kung hindi na pumapasok sa Kongreso ang isang kongresista para gawin ang kanilang trabaho, ay dapat aksyunan.

Ang pangunahing dahilan kasi ng komite kaya sila nagsagawa ng executive session hearing ay ang kabiguan ni Teves na umuwi matapos mapaso ang kanyang travel authority noong Marso 9.

Hindi nagagampanan ni Teves ang kanyang trabaho bilang mambabatas dahil nasa ibang bansa ito at hindi ito nakakapasok nang personal sa Batasan Pambansa. Absent sa trabaho ika nga.

Pero alam niyo ba, hindi nape-perfect ang attendance sa Kamara kahit kailan? Kahit State of the Nation Address (SONA) ng pangulo ay hindi kumpleto ang attendance ng mga congressman.

Ngayon ngang 19th Congress, hindi ko pa narinig na pumasok lahat ng 314 congressmen kapag nagro-roll call bago simulan ang session, tatlong beses kada linggo.

Ibig sabihin, laging may absent at noong nakaraang linggo nga, muntik hindi maipasa sa ikalawang pagdinig ang isang panukala na may kaugnayan sa Constitutional Convention (ConCon) dahil 45 congressmen lang ang nasa loob ng session hall at kaya umaabot ng mahigit 200 ang attendance dahil pinapayagan pa ring magparehistro sa zoom para present sa session na hindi mo alam kung talagang nakatutok sila dahil karaniwang naka-off ang kanilang camera at naka-mute ang kanilang microphone.

Ang punto ko, kung talagang strikto ang Kongreso sa mga kongresistang pala-absent, baka pati ‘yung mga nasa Pinas pero hindi pumapasok nang personal sa Batasan, ay dapat ding imbestigahan.

‘Yung mga nuknukan sa pagiging absenero ay dapat ding bigyan ng sanction dahil nakahihiya naman sa taxpayers na sinusuwelduhan sila ng P2.4 million kada taon pero hindi ginagawa nang personal ang kanilang trabaho?

Luma na ‘yung laging katuwiran ng mga congressman na nasa distrito sila at inaasikaso ang kanilang mga constituent kaya hindi sila nakapasok….hello…3 beses sa isang linggo lang ang session n’yo kaya may apat na araw kayo sa distrito n’yo.

95

Related posts

Leave a Comment