SANA ‘DI MAPURNADA

NAGKAROON tayo ng pag-asa na makapagdiwang ng Pasko matapos humupa ang COVID-19 lalo na ang Delta variant mula noong Oktubre matapos itong ipagkait sa atin noong nakaraang taon dahil sa virus na ito na courtesy ng China.

Sa katunayan, naghahanda na ang pami-pamilya para makapagdiwang ng Pasko nang sama-sama at salubungin ang bagong taon na may kasamang pag-asa at dasal na sana sa susunod na taon ay tuluyan nang mawala ang COVID-19.

Marami na sa ating mga kababayan na nasa ibang bansa ang naka-book na ang kanilang flight pabalik sa Pilipinas matapos hindi makauwi noong nakaraang taon dahil sa 7 quarantine na pagdadaanan nila bago nila makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay at panibagong 7 araw quarantine period bago sila makabalik sa ibang bansa.

Sumigla kahit papaano ang ekonomiya dahil nakalabas na ang mga tao at nakapamili na kahit papaano at bagama’t hindi lahat ng negosyo, nakabalik na sa trabaho ang karamihan sa work forces.

Pero may nakaambang banta na naman sa atin, ang Omicron na sinasabing mas nakakahawa kumpara sa Delta ­variant. Sana hindi mapurnada ang paghahanda nating lahat.

Magagawa ‘yan kung maging maagap ang mga kinauukulan lalo na ang Inter-agency task force (IATF) at paghandaan ang lahat ng puwedeng mangyari at matuto sa kanilang pagkukulang sa nakaraan.

Hindi naman lingid sa atin na noong nakaraang taon, nagpatumpik tumpik ang gobyerno sa pagsasara sa border sa China dahil sa takot na magtampo o magalit si Xi Jinping sa Pilipinas.

Mas binigyan nila ng importansya ang China kaysa kaligtasan ng bansa kaya ang resulta, bumagsak ang ekonomiya ng bansa, nabaon ang Pinoy sa utang dahil nangutang ang gobyerno para panlaban daw sa COVID-19 at ang inutang, nauwi pa sa kontrobersya dahil sa natuklasang nagpayaman ang marami lalo na ang mga opisyales ng Pharmally, sa pagdudusa ng mga tao.

Hindi lang buong bansa ang nabaon sa utang kundi ang karamihan sa nagkasakit ng COVID-19 dahil sa laki ng gastos nila sa pagpapagamot.

‘Yung konting ipon naman ng iba ay naubos sa hospital dahil limitado lang ang sagot ng PhilHealth.

Pero ang mas matindi ‘yung pamilyang namatayan dahil sa COVID-19 na kahit ilang taon na siguro ang lilipas ay hindi mawala o maibsan man lang ang kanilang pagdadalamhati dahil may nagpabaya sa tungkulin.

Sana sa pagkakataong ito, hindi na mangyari ang dapat hindi nangyari sa nakaraan dahil hindi na kakayanin ng ating bansa kapag nagkaroon na naman ng mas malalang hawaan kesa sa Delta variant.

Pero tayong mamamayan dapat din tayong ­maki­pagtulungan sa gobyerno dahil wala namang problema na hindi mareresolbahan na hindi pinagtutulungan. Gawin natin ang ating parte.

Huwag nating alisin ang face mask at panatilihin ang social distancing na napatunayang epektibo na paraan para maiwasan ang hawaan. Kahit gawin lahat ng gobyerno ang dapat nila gawin kung magpapabaya tayong mamamayan, walang mangyayari.

Sana rin, ‘yung mga nagdadalawang isip pa na magpabakuna, magpabakuna na para sa inyong proteksyon lalo na’t mayorya sa mga tinatamaan ng virus at namamatay ay hindi bakunado.

2

Related posts

Leave a Comment