SANA HINDI LANG SA SALITA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

SA wakas, nagsalita na ang Group of Seven o G7 na kumikilala sa ruling ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na ang mga lugar na sinakop ng China sa West Philippine Sea (WPS) ay pag-aari ng Pilipinas.

Kinondena din ng grupong ito sa kanilang summit sa Japan, ang pambu-bully ng China sa mga claimant sa Spratly Islands partikular na ang Pilipinas, at iginiit nila na dapat irespeto ang arbitral ruling.

Pitong taon na ang nakararaan nang ipanalo ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang kasong isinampa laban sa China na kulang na lamang ay sakupin, hindi lang ang territorial waters kundi maging ang mahigit pitong libong isla ng Inang Bayan.

Walang nagsasalita sa international community lalo na’t noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay inaway nito ang United States (US) at mga bansa sa Europa, at kumampi sa China na harap-harapang umaangkin sa ating teritoryo sa WPS.

Marami ang naniniwala na ginawa ito ni Digong dahil mas maraming pangakong tulong ang China kaysa Amerika pero pawang napako ang mga ipinangako sa kanya. Kung may tinupad, barya lang. Natanso at nagulangan kung baga.

Ngayon ay may joint statement na ang G7 pabor sa atin pero sana may kasamang aksyon dahil kung ang international law ay hindi sinusunod ni Xi Jinping, ang isang joint statement pa kaya?

Lalong kailangan ang aksyon ng G7 dahil matapos lumabas ang kanilang joint statement, nagpadala ng buoy vessel si Xi Jinping sa WPS na tila paghahamon sa grupong ito.

Kung pagsama-samahin ang lakas ng grupong ito na kinabibilangan ng US, Canada, Germany, France, Italy, Japan at United Kingdom (UK), walang binatbat ang China sa kanila,

Hindi ko sinasabi na giyerahin nila ang China dahil hindi ito sagot sa problema pero kaya nilang i-pressure ang gobyerno ni Xi Jinping na gustong maghari sa buong mundo.

Interesado ang China sa Pilipinas noon pa dahil sa likas na yaman partikular na ang langis na nakadeposito sa WPS na kanilang natuklasan noong payagan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang Joint Maritime Seismic Understanding (JMSU).

May mga impormasyon na hindi ibinigay ng China ang totoong report sa kanilang natuklasan na gaas at krudo sa WPS at mula noon ay lalo silang naging agresibo na agawin ang teritoryong ito sa Pilipinas.

Bukod ‘yan siyempre sa natuklasan nilang fishing ground lalo na sa Bajo de Masinloc na hindi pa masyadong nae-explore ng mga mangingisdang Pinoy kaya nagpadala sila ng sangkaterbang fishing vessels para hakutin ang lamang dagat lalo na’t marami silang pinapakain, 1.4 billion ba naman ang kanilang populasyon.

Dapat idepensa ang WPS dahil nakasalalay dito ang kinabukasan ng mga susunod na henerasyon ng Lahing Pinoy.

35

Related posts

Leave a Comment