SANA HUWAG SILANG LALONG TAMARIN

DPA ni Bernard Taguinod

WALA tayong problema na tulungan ang poorest of the poor sa ating bansa na makatawid sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan dahil responsibilidad naman talaga ng gobyerno na tulungan ang mamamayan.

Tiyakin lang na hindi magagamit ang food stamp na ito sa kanilang bisyo tulad ng sugal, sigarilyo at alak dahil maraming 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program beneficiaries ang nakababad sa tong-its.

Naging dahilan din ang programang ito para tamarin ang karamihan sa 4Ps beneficiaries sa paghahanap ng trabaho dahil ang iniisip nila may buwanang ayuda naman sila.

Ang hirap ngayon maghanap ng magtatrabaho sa bukid dahil maraming naging tamad dahil sa programang ito. Kahit kasambahay, pahirapan ang paghahanap ngayon.

Ngayon dagdagan ang ayuda sa kanila at bibigyan din ng pambili ng pagkain para sa araw-araw. Palagay ko, ang isang milyong pamilya na target na bigyan ng food stamp ay mula sa 4Ps beneficiaries.

Sana huwag silang lalong tamarin na maghanap ng raket kahit papaano dahil aminin na natin, may ugaling tamad ang Pinoy kaya nga nagkaroon ng kuwento ukol kay Juan Tamad ‘di ba?

Pero dapat magtayo ang gobyerno ng industriya para may mapasukang trabaho ang mga Pinoy lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan gamit ang pondong inuutang natin para sa mga ayudang ganito.

Ang 4Ps program ay may pondong P102. 61 billion ngayong taon at itong food stamp na ito ay popondohan daw ng P40 billion kada taon na uutangin sa Asian Development Bank (ADB).

Kung gamitin ang pondong ito sa pagtatayo ng industriya, marami na ang maitatayo at kapag nabigyan ng trabaho ang mga nasa laylayan ng lipunan kasama na ang 4Ps beneficiaries, ay mas malaki ang perang aakyat sa kanila kaysa itong P750 buwan-buwan na ayuda sa kanila.

Walang bansa ang umasenso na walang sariling industriya at kasama na tayo doon pero kaya naman pondohan kung tutuusin eh hindi ginagawa ng gobyerno, at kung bakit ay sila lang ang nakakaalam.

Hindi na kailangan ang ganitong ayuda kung may sarili tayong industriya pero mukhang walang plano talaga ang gobyerno natin na maging industrialize country tayo.

Agricultural country tayo pero wala tayong industriya para iproseso ang mga ani kaya kapag nagsobra ang supply at itinatapon na lang ng mga magsasaka tulad ng kalabasa ng mga taga-Nueva Ecija.

Mayaman tayo sa mineral tulad ng ginto, gold, iron ore, lead, zinc, chromite, copper, silver, nickel, mercury silver, nickel, mercury, molybdenum, cadmium at manganese pero ibang bansa na industrialize country lang ang nakikinabang.

Kung tayo mismo ang magproseso sa mineral resources na ito, tayo ang yayaman at hindi ang ibang bansa pero parang ayaw ng gobyerno na umasenso tayo.

82

Related posts

Leave a Comment