SANA TAMA ANG PINILI

DPA ni BERNARD TAGUINOD

NAKAPAMILI na tayo ng mamumuno sa atin sa ating barangay sa loob ng 25 buwan at sana hindi tayo nagkamali sa ating pinili dahil mahalaga ang papel ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials kahit ano pang sabihin natin, kung gagampanan lang nila ang kanilang trabaho nang maayos.

Marami kasi sa barangay at SK officials ang walang silbi sa nakaraang limang taon lalo na noong panahon ng pandemya at kapag may ayudang dumarating sa kanilang barangay at inuuna ang kanilang sarili, ang kanilang mga kaanak at mga kaalyado.

Wala ring silbi ang karamihan pagdating sa giyera kontra ilegal na droga dahil marahil sa takot sa mga drug addict sa kanilang barangay at marami rin tayong naririnig na may SK at Barangay officials ang sangkot mismo sa pagpapakalat ng ilegal na gamot.

Kung may gulo rin sa kanilang nasasakupang barangay ay hindi si Kapitan o si Konsehal ang mismong humaharap sa problema kundi ang kanilang tanod dahil busy siya sa kanyang negosyo kung siya ay negosyante o kaya sa bukid kapag siya ay may malaking sakahan lalo na sa probinsya.

Sa mga probinsya, ang mga tulong sa mga magsasaka na galing sa national government na idinadaan sa munisipyo, ang mga barangay official ang ipinatatawag ni Mayor para ipamahagi ang binhi, abono at mga pinansyal na tulong pero hindi nakararating sa dapat matulungan dahil sa kanilang angkan pa lamang ay kulang na.

Sa barangay officials din ang desisyon kung sino sa kanilang mga nasasakupan ang ipapasok sa 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program at kapag hindi kakampi ng pobreng pamilya ay iniitsapuwera lalo na kung may nakaraan silang away.

May barangay officials din ang mismong pasimuno ng gulo sa kanilang barangay at pinipili ang pinagsisilbihan at kung busisiin n’yo ang mga proyektong ipinatutupad nila sa kanilang lugar tulad ng concreting sa inner roads, mukhang ninakawan kaya hindi nagtatagal.

Ilan lang iyan sa naghuhumiyaw na katotohanan sa barangay level pero walang magawa ang mga tao kundi magtiis sa kanila kaya karaniwang kinaiinipan ang araw ng eleksyon para sila ay mawala sa kapangyarihan.

Mahalaga rin ang papel ng SK officials dahil sa kanila nakaatang ang responsibilidad sa mga kabataan sa kanilang barangay pero marami sa kanila ang hindi naman nagtatrabaho at ginagamit ng mga politiko at political parties tuwing eleksyon.

Ang lagi nilang ginagawa ay nagpapa-basketball sa kanilang barangay para raw mailayo sa masamang bisyo ang mga kabataan pero ‘yung mga pa-liga nila ay laging pinagmumulan ng gulo dahil nagsusuntukan ang mga player ng iba’t ibang team.

Halos wala tayong naririnig na proyekto nila para sa mga kabataan pero ang bibilis nilang pumunta sa mga seminar na ipinatatawag ng National Youth Commission pero hindi naman nila ginagamit ang kanilang natutunan pag-uwi sa kanilang barangay.

Kaya ang dalangin natin, sana hindi tayo nagkamali sa pagpili kahapon ng Barangay at SK officials at dapat magsilbi at magpakitang gilas sila dahil sa December 2025 ay magkakaroon ulit ng eleksyon at hindi na magkakaroon ng ekstensyon ng kanilang pamumuno kahit kailan dahil sa ruling ng Korte Suprema.

100

Related posts

Leave a Comment