SANCHEZ, KARAPAT-DAPAT BA SA PANGALAWANG PAGKAKATAON?

SA GANANG AKIN

Marami ang nagulat at nagalit sa balitang may posibilidad na maagang makalalaya si former Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.

Noong 1995 ay nahatulan ng pitong beses na habambuhay na pagkakabilanggo si Sanchez dahil sa pagpatay kay Allan Gomez at sa panggagahasa’t pagpatay kay Eileen Sarmenta noong 1993. Ang dalawang biktima ay kapwa mag-aaral ng University of the Philippines Los Baños.

Ang posibilidad ng maagang paglaya ni Sanchez ay nagmula sa batas na Republic Act (RA) 10592 na naisabatas noong ika-13 ng Oktubre, 2013. Ang batas na ito ay nagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa inmates na nagpakita ng pagbabago at kabutihang asal habang sila’y nakakulong. Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, maaaring kasama si Sanchez sa mga mapapalaya sa ilalim ng nasabing batas.

Tiyak akong napakaraming mas maliliit na kaso – pagnanakaw ng cellphone, akyat-bahay, pangho-holdup, at iba pa – pero bakit ang isang taong nanggahasa at nakapatay ng hindi lamang isa kundi dalawang inosenteng kabataan ay makokonsiderang bigyan ng pangalawang pagkakataon sa buhay. Maraming lumabas sa balita na sinasabing nagbago na raw si Sanchez pero paano ba tayo makasisiguro na kapag lumabas siya ay hindi siya babalik sa dati niyang gawain? Paano ang pamilya ng mga biktima? Sa pagpapalaya kay Sanchez, para na ring binawi sa kanila ang hustisyang matagal nang naipagkaloob sa kanila. Parang sugat na naghilom na pilit na namang binubuksan ang pangyayaring ito para sa kanila.

Sa kabilang banda, nilinaw din naman ni Bureau of Corrections (BuCor) Chief Nicanor Faeldon na maaaring hindi kwalipikado si Sanchez na makasama sa nasabing listahan ng mga inmates na maaaring makalabas sa New Bilibid Prison sa bisa ng RA 10592. Ngunit hindi pa rin sinisiguro ng paglilinaw na ito na mananatili si Sanchez sa kulungan upang buuin pa ang sentensya sa kanya at patuloy na pagbayaran ang kanyang ginawang krimen.

Kailangang maging maingat ang sistema ng ating hustisya sa mensaheng ipararating nito sa bansa at sa buong mundo kapag tuluyang pinakawalan ang kriminal na kagaya ni former Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez. (SA GANANG AKIN / JOE ZALDARRIAGA)

218

Related posts

Leave a Comment