SAYANG ANG MGA PUNO

0

HINDI ko masisisi ang mga taong tutol sa pagtatayo ng vaccination hub sa Nayong Pilipino sa Parañaque City dahil sayang ang mga punong kailangang putulin sa nasabing lugar.

Kahit pa sabihin natin na gagastusan iyan ng pribadong sektor, hindi pa rin nararapat dahil napakaraming gusali na puwedeng paglagyan ng vaccination site para mabakunahan ang mga taga-Metro Manila.

Maraming eskuwelahan na hindi nagagamit dahil distance learning ang sistema ng pagtuturo ngayon dahil sa COVID-19 pandemic. Sa katunayan, sa mga eskuwelahan isinasagawa ng mga Local Government Units (LGUs) ang bakunahan sa kanilang mga constituents.

Inooffer ng mga ­negosyante ang kanilang mga mall, convention centers, coliseum, mga gusali, para gawing vaccination sites kaya palagay ko sapat na ‘yun para makamit ang target na bilang ng mga taong dapat bakunahan.

Binigyan din ng kapangyarihan ang national government sa ilalim ng Bayanihan law na itake-over pansamantala ang mga pasilidad ng mga pribadong sektor para gamitin sa paglaban sa COVID-19.

Maraming golf course ang puwedeng itake-over ng gobyerno pansamantala para gamiting vaccination hub at kahit ang napakalawak na Batasan Pambansa complex ay pwedeng gamiting vaccination center.

Halos lahat din ng mga subdivision sa Metro Manila ay mayroong mga covered court na puwedeng gamiting vaccination site para hindi na lumabas ng kanilang lugar o barangay ang mga tao para magpabakuna.

Kung lahat ng assets na ito ng gobyerno at pribadong sektor ay gagamitin, mas ­maraming mababakunahan kumpara sa 10,000 na target araw-araw sa itatayong vaccination hub sa Nayong Pilipino.

So bakit kailangan pang magtayo ng vaccination hub na popondohan ng pribadong sektor? Kailan matatapos ang vaccination hub na itatayo eh kailangan na kailangan nang mabakunahan ang mga tao.

Anong gagawin sa pasilidad kapag natapos na ang bakunahan? Anong gagawin sa 250 milyong pisong halaga ng pasilidad? Sino ang gagamit nyan at para saan?. Saka magkano naman ang counterpart budget dyan ng mga tax payers?

Wala rin sa katuwiran ang sinasabi ng ilan na ‘ano ang mahalaga, ang buhay ng mga tao o ang puno na papatayin o ililipat sa ibang lugar para maitayo ang vaccination hub na “yan”.

Kung walang lugar talaga na pagdadausan ng bakunahan, okey isakripisyo ang mga puno dahil mas mahalaga ang buhay ng mga tao pero maraming pasilidad ang gobyerno at binigyan pa ng kapangyarihan ang national government na itake-over ang mga pribadong pasilidad para gamitin sa paglaban sa COVID-19 pandemic.

Alam ba ninyo kung ilang taon bago lumaki ang puno? Dekada po! Hindi porke ­nagtanim ka ng seedling ­ngayon eh kinabukasan o matapos lang ang ilang buwan ay magiging malaking puno na sila.

Bakit mo isasakripisyo ang mga punong yan kung mayroon naman ibang paraan at lugar na pagdausan ng vaccination program? Paano na lang ang greening program ng gobyerno (oo nga pala, nakakalimutan na ‘yan).

Saka sigurado bang may sapat na supply ng bakuna kaya kailangang magtayo ng mega vaccination hub? Eh ngayon nga limitado ang ­supply ng bakuna dahil may nagpabaya sa tungkulin eh.

Hindi rin overnight na ­maitatayo ang vaccination hub na ‘yan. Taon ang binibilang bago maitayo ang gusaling ­gagastusan ng P250 Million.

Hindi birong pasilidad yan at baka kapag natapos na ‘yan tapos nang mabakunahan ang 70% sa populasyon ng Pinas.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment