Ipinahayag nitong nakaraang linggo ng World Bank na aprubado na ng Board of Executive Directors nito ang $300 milyong tulong na pautang para sa pondo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ng Pilipinas.
Wow, malaking sakripisyo na namang bubunuin ni Juan dela Cruz para mabayaran ang utang na ito sa pamamagitan ng binabayarang buwis.
Ang 4Ps ay isang national poverty reduction strategy at human capital investment program ng gobyerno na nagkakaloob ng pondo o tulong pinansiyal sa mga mahihirap na pamilya sa loob ng maximum na panahon na pitong taon para mapaunlad ang kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng maayos na kalusugan, edukasyon at iba pa.
Ang 4Ps na programang ito ay sinimulang ipatupad noong 2008 sa ilalim pa ng administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Muling napukaw ang aking damdamin kaugnay sa hindi ko pagsang-ayon sa programang ito dahil sa paniniwala na isa itong dole out na nagtuturo sa mga Filipino na maging tamad, palaasa at ayaw nang magsikap o gumawa ng mga diskarte kung paano maiaangat ang kanilang buhay.
Lalo ngayong ginawa na itong permamente matapos na lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong April 17 2019, ang Republic Act 11310 ang o 4Ps bilang regular na poverty reduction program ng gobyerno para sa mga kuwalipikadong mahihirap.
Parang napakasayang kasi talaga ng pondo. Sana na lang ilaan ito sa mga pangmatagalang programa ng gobyerno gaya ng livelihood, skills program, communal projects at iba pang proyekto na ilalagay sa bawat barangay sa buong bansa at ang kukuning mga mamamahala at manggagawa ay ang beneficiaries ng 4Ps para mabigyan sila ng trabaho at tumanggap ng regular na sahod.
Wala namang talagang kasiguraduhan na totoong beneficiares ang nakakatanggap nito, tapos taun-taong naglalaan ng pondo na parang wala namang pinatutunguhan.
Sa tingin ko, napaka-unfair sa mga mahihirap din nating mga kababayan na nagsusumikap para maging maayos ang kanilang buhay.
Kasi minsan, ginagawa na itong status quo ng ilang beneficiaries, dahil ayaw na nilang magtrabaho, sa halip naghihintay na lamang ng kanilang 4Ps fund. Minsan nga ipinangungutang na ito sa mga tindahan para sa kanilang bisyo tulad ng sigarilyo, alak o minsan napabalita pa nga na ipinambibili ng shabu ang kanilang 4Ps fund.
Parang katamaran din ito sa panig ng ating gobyerno na ayaw nang mag-isip ng magandang programa upang talagang maalis ang ugat ng kahirapan sa bansa. (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)
108