SAYANG LANG

HINDI na bago sa mga Pilipino ang pagtitipid lalo pa’t limitado ang hawak na pera o kita ng isang pamilya. Gayunpaman, hindi praktikal ang pagkukuripot sa lahat ng pagkakataon.

Ito mismo ang problema ngayon ng administrasyong Duterte, na piniling ibuhos ang malaking bahagi ng inutang na salapi sa pagbili ng mga bakunang hindi tanggap ng mga mamamayan. Bilang patunay, nakatambak lang at halos mag-expire na sa cold storage facilities ang libo-libong bakunang gawa ng mga Tsino.

Pag-amin ng isang opisyal sa lalawigan ng Quezon, nabuburo na ang Sinovac COVID-19 vaccines sa nasabing lalawigan – hindi dahil sa ayaw nilang magpaturok. Sadyang ayaw lang ng mga taga-Quezon sa gawang Tsino.

Ayon kay Dr. Tiong Eng Roland Tan, assistant department head ng ­integrated provincial health office ng Quezon, hindi “hesitancy” ang pangunahing problema

nila sa lalawigan kundi ang “brand ­preference” ng mga residenteng giit ay karapatan nilang pumili ng bakunang ituturok sa kanilang katawan.

Bakit nga naman hindi – pera naman nilang galing sa buwis ang ipambabayad ng pamahalaan sa sandamakmak na utang na isinakatuparan ng administrasyong Duterte.

Ang siste, sinubukan na nilang ­ipa-tupad ang polisiyang “brand agnostic” o yaong pagsasabi ng vaccine brand sa mismong araw ng pagtuturok. Hindi rin daw umubra dahil naglalayasan ang mga tao sa sandaling malamang Sinovac ang gagamitin sa turukan.

Sa tala ng pamahalaang panlalawigan, aabot sa 37,000 doses ng Sinovac COVID-19 vaccines ang nakaimbak lang sa provincial health office.

Ang siste, may ibang lalawigan kung saan ga-patak lang ang dumarating na suplay. Bakit hindi doon dalhin ang mga Sinovac? Dahil ba maliit lang ang bilang ng mga botante?

2

Related posts

Leave a Comment