SAYANG NAWALDAS NA PERA

HABANG walang habas ang turok ng mga krisis, at sa gitna ng pangangailangan na matugunan ang laban kontra COVID-19 ay nangyayari pa ang pag-aaksaya ng bilyong piso.

Nasa 31 million doses ng COVID-19 vaccines, na ayon sa Department of Health (DOH) ay tuluyan nang napaso sa mga itinalagang cold storage facilities ng pamahalaan. Nasa 24 million shots ang inabutan ng expiration habang 7 million shots naman ang nasira dahil hindi angkop sa temperatura.

Humigit kumulang P15.6 billion ang halaga ng mahigit 31 million doses na nasayang na bakuna. Ito ay 12 bahagdan ng 250.38 milyong doses na natanggap at binili ng pamahalaan.

Nakapanghihinayang dahil 70% ng 31 million doses na napaso ay binili ng pamahalaan. Hindi rin mawawala ang suspetsa na ang nasirang 7 milyong doses ay posibleng dahil sa kapabayaan ng tao.

Dapat lang na imbestigahan ang usapin para maturol ang tunay na mga pangyayari.

Paliwanag ni Senator Pia Cayetano, isa sa dahilan ng pagkapaso’ ng mga bakuna ay dahil maigsi ang lifespan ng ilan sa COVAX funded vaccines, at ang iba ay nasira dahil sa natural disaster at hindi angkop na temperatura.

Kung kaunti lamang ang lifespan ng ilang bakuna ay tiyakin sana na mabilis ang distribusyon nito sa mga lugar na kapos at laging nag-aabang ng mga gagamiting shot. Kung tanggap nang tanggap ng madaling mapaso pero mabagal naman ang pamamahagi at administrasyon ay siguradong paso ang hahantungan ng mga bakuna.

Tama nga si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na wala tayong karangyaan na magtapon ng mas mataas pa sa P15.6 bilyon sa kaliwa’t kanang krisis at kahilingan ng pondo para sa ibang programa ng pamahalaan.

Maraming nangangailangan ng salapi. Ang iba nabibigyan, ang ilan naambunan, ngunit kung ang grasyang sumayad sa palad ay nilipad lamang ng hangin o inaksya ay darating ang sandaling SAYANG ang mamumutawi sa labi.

16

Related posts

Leave a Comment