SC nagsalita na sa land dispute: TAGUIG CITY ANG NAGWAGI

PUNA ni JOEL O. AMONGO

PINAL na ang ipinalabas na desisyon ng Korte Suprema, ang pinag-aagawang 729 ektaryang lupain ng Fort Bonifacio Military Reservation kung saan naroon ang Bonifacio Global City (BGC) at ilan pang barangay na nasa Makati City, ay malinaw na nasa hurisdiksyon ng Taguig City.

Sa naging desisyon ng Kataas-Taasang Hukuman, sinabi nito na ang Taguig City ang siyang nakasasakop sa kinukuwestiyong teritoryo base na rin sa historical, documentary at testimonial evidence.

Binigyang punto ng Korte Suprema sa kanilang pagdinig sa land dispute, ang Taguig City ang siyang nakapagsumite ng mga ebidensya, survey at iba pang dokumento na magpapatunay na sila ang may sakop sa kinukuwestiyong teritoryo.

“We find that Taguig presented evidence that is more convincing and worthier of belief than those proffered by Makati,” sabi ng Korte Suprema.

Tatlong dekada ang itinagal ng legal battle sa pagitan ng Makati at Taguig, unang dininig ang kaso sa Regional Trial Court, Court of Appeals hanggang umakyat sa Korte Suprema na pinagtibay ang desisyon na nagtatakda na ang Taguig City ang siyang nanalo.

Ngayong tapos na ang legal battle, umaasa na ngayon ang mga residente na siyang nasa gitna ng dalawang nag-uumpugang LGU, na kumilos at ayusin na ang sitwasyon.

Sang-ayon ako sa naging apela ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado nang magpalabas ito ng isang statement na direktang mensahe sa lokal na pamahalaan ng Makati at Taguig, ang pakiusap ng dating opisyal ay respetuhin ang desisyon ng Korte Suprema bilang siyang “final arbiter of the law” at magtulungan ang local government officials para sa “smooth transition” sa paglilipat ng mga residente na dati ay Makati citizen, ay magiging lehitimo nang Taguigeño.

Malinaw na sakop na ngayon ng Taguig City ang Fort Bonifacio kabilang dito ang Barangay Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo at Pitogo gayundin ang Philippine Army Headquarters, Navy installation, Marines’ Headquarters, Consular area, JUSMAG area, Heritage Park, Libingan ng mga Bayani, AFP Officers Village at 6 pang villages sa tabi nito.

Inaasahan na magkakaroon na ng maayos na transition sa pagitan ng dalawang siyudad matapos na maglabas ng pinal na desisyon ang Korte Suprema pabor sa Taguig City.

###

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

42

Related posts

Leave a Comment